Milyones na ‘ghost projects’ ilalantad DPWH PROJECTS I-AUDIT – DUTERTE

IPINAG-UTOS ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pag-audit sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa umano’y ‘ghost projects’ na ginagamit bilang main avenue ng departamento sa corruption activities.

“Ang DPWH, ang pinaka-raket diyan is ‘yung ghost project. So walang delivery, ghost project. Marami ‘yan. Karamihan ‘yan it’s the regional director. Ipapalabas nila na may project ito but wala,” ayon kay Pangulong Duterte sa kanyang public address, Huwebes ng gabi.

“The best way is to conduct an audit of those projects to determine if they are ghost projects or not, and I think they are plenty and I daresay ang pinakamarami sigurong matanggal would be from DPWH,” dagdag na pahayag nito.

Nauna nang ipinag-utos ng Chief Executive sa Department of Justice-led task force na masusing imbestigahan ang korapsyon sa buong pamahalaan.

Sinabi nito sa investigating body na magsumite ng kanilang reports sa loob ng isa o dalawang araw.

Tinawagan naman ng pansin ni Pangulong Duterte ang DPWH officials na sangkot sa corruption activities na bakantehin ang kanilang puwesto sa lalong madaling panahon.

“For the longest time, wala masyadong imbestigasyon diyan, pero kayong may kasalanan diyan sa mga gano’n, I advise you to resign now,” ayon sa Pangulo.

“Resign now kasi pagdating ng panahon… makita ninyo, you’ll be prosecuted administratively and criminally at walang patawaran dito,” aniya pa rin.

Inulit din ng punong ehekutibo ang kanyang pangako na lilinisin ang pamahalaan mula sa corrupt officials sa nalalabing dalawang taon ng kanyang termino.

“Ang ibang kasalanan, okay lang. Pero itong mga ghost project, mga project na wala diyan… That’s shortchanging government. You will go to jail for that,” babala ng Pangulo.

Sa kabilang dako, sinabi naman ni DPWH Secretary Mark Villar na walang makalulusot sa isasagawang internal corruption probe ng departamento.

Sa kabila ng alegasyon ng korapsyon laban sa m DPWH, ilang ulit na sinabi ni Pangulong Duterte sa publiko na “Villar is honest.”

Samantala, sa ulat, maaari pa ring maharap sa asunto si Sec. Villar, sakaling may ebidensiyang makapagpapatunay na sangkot ito sa kurapsyon.

Ito ang inihayag mismo ng asawa ni Villar na si Justice Undersecretary Emmeline Aglipay-Villar bilang tugon sa sinabi ni Pangulong Duterte na masyado nang mayaman ang kalihim para maging tiwali.

Ayon kay Aglipay-Villar, ipinahayag lamang ng pangulo ang tiwala at kumpiyansa nito kay Villar na tulad kay Health Secretary Francisco Duque III na nahaharap sa iba’t ibang alegasyon.

Binigyang diin naman ni Aglipay-Villar na kabilang pa rin sa iniimbestigahan hinggil sa isyu ng kurapsyon sa DPWH ang kanyang asawa.

Alinsunod na rin aniya ito sa kautusan ng pangulo na lahat ng opisyal at empleyado ng pamahalaan ay kinakailangan siyasatin sa isyu ng kurapsyon at makasuhan sakaling mapatunayang sangkot dito.

Una nang sinabi ni Aglipay-Villar na hindi siya makikibahagi sa isinasagawang imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ) sa DPWH. (CHRISTIAN DALE)

150

Related posts

Leave a Comment