CAVITE – Arestado ng Cavite Police ang isang miyembro ng Mojica crime group at kasama nito sa isinagawang buy-bust operation sa Gen. Trias City nitong Miyerkoles ng madaling araw.
Kinilala ang naarestong mga suspek na sina Reynaldo Banaag, 28, miyembro ng Mojica crime group at Jamil Junior y Ammad, alyas “Muslim”, 33.
Ayon sa ulat ni Corporal Marck Teves ng Gen. Trias City Police, alas-12:20 ng madaling araw nang magsagawa ng OPLAN Sacleo sa Brgy. San Francisco ng naturang lungsod kung saan target ang mga suspek at nagresulta sa pagkakaaresto sa mga ito at nakumpiskahan ng apat na sachet ng hinihinalang shabu.
Makaraang madakip, nabatid na ang pangalan ni Banaag ay kabilang sa listahan ng mga miyembro ng Mojica crime group na nag-o-operate sa Gen. Trias City at kalapit na mga lungsod at bayan sa Cavite. (SIGFRED ADSUARA)
252
