MOJDEH, GAGAWA NG RECORD SA SSS

Jasmine Micaela Mojdeh

MAGANDA ang salubong ng taong 2020 sa limang miyembro ng Swimming Pinas Swim Club, sa pangunguna ni national junior record holder Jasmine Micaela Mojdeh, matapos magpahayag ng suporta ang Philippine Swimming Inc. sa kanilang pagsabak sa Singapore Swimming Series sa Enero 17-19 sa world-class OCBC Aquatic Center sa Lion City.

Makakasama sa Singapore ng 13-anyos na si Mojdeh sina Hugh Antonio Parto, isa ring junior record holder; Marcus De Kam; Jordan Ken Lobos; at Julia Ysabell Basa. Sila ay papatnubayan ni coach Virgilio De Luna, habang tatayo bilang team manager si Joan Mojdeh,  ina ng young swimming champ.

Sinertipikahan, sa pamamagitan ng isang sulat, ni Philippine Swimming Inc. president Lani Velasco ang paglahok ng grupo sa torneo na isang FINA Graded 3.2 tournament.

Tinaguriang ‘Water Beast’ bunsod ng dominanteng kampanya sa local at international age-group competitions gaya sa Palarong Pambansa, apat na ulit na binasag ng pambato ng Brent International School na si Mojdeh ang girls 200m butterfly record sa nakalipas na taon, tampok ang 2:20.01 na naitala niya sa Hong Kong Open Swimming Championship.

Tangan din ni Mojdeh ang marka sa girls 100m butterfly na tatlong ulit niyang binura, tampok ang 1:03.90 sa 1st Philippine National Open Swimming Championship noong Setyembre na ginamit bilang basehan sa team selection para sa Philippine Team na isinabak sa 30th Southeast Asian Games.

Nanguna rin siya sa girls 200m individual medley sa tiyempong 2:29.87 sa 10th Asian Age Group Swimming Championship sa India.

Napasakamay naman ni Parto ang marka sa boys 200m butterfly sa tiyempong 2:18.76 sa 1st PH National Open Swimming Championships.

“Kasama na rin ito sa preparation nila para sa ASEAN age group competition na gagawin dito sa Manila,” pahayag ni Joan, co-founder ng Swim Pinas. “Kailangan talaga nilang lumaban abroad para sa exposure at masanay sa laban. Hindi maikakaila na may mga kaba yang mga bata, pero once na ma-overcome nila yang laban ay tuloy-tuloy na.”

Tuloy naman ang grassroots program ng Swim Pinas sa ilalargang 6th BEST Swim Challenge (8th SLP Series) Long Course Class AB, C-Motivational  (Governor Danny Suarez Swim Cup 2020) ngayon sa Manuel S. Enverga University Foundation (MSEUF) sa Quezon province.

Ang naturang torneo ang huling leg para sa selection ng Swimming Pinas membership.  (DENNIS INIGO)

225

Related posts

Leave a Comment