MORALES UMATAKE SA STAGE 6

TARLAC CITY – Ginamit ng 2016 at 2017 champion na si John Paul Morales ang husay sa sprint upang itala ang unang lap victory sa 111km na Stage 6 ng ginaganap na ika-10 selebrasyon ng LBC Ronda Pilipinas 2020 na nagsimula sa Tarlac Capitol at nagtapos muli sa Tarlac Recreational Park.

Nalusutan ni Navy team captain Morales ang mahigit sa 50 nakasabay upang makuha ng Standard Insurance-Navy ang ikatlong sunod na Stage victory simula sa kanilang pagwawagi sa Stage 4 Daet to Lucena at Stage 5 na Lucena to Antipolo.

“Sigurado na kami sa team general classification,” sabi ng mula Parang, Marikina na si Morales. “Mahihirapan na rin sila sa individual overall.”

Isinumite ni Morales ang kabuuang 4:56:28 oras, pumangalawa sa kanya si Dominic Perez ng Army, Aidan Jame Mendoza ng 7-11, Ronald Oranza ng Navy, Ryan Tugawin ng host Tarlac, Ronnel Hualda ng Go-4-Gold, Arjay Kaul ng Bike Extreme, Jerry Aquino Jr at Rex Luis Krog ng Scratch It at Orly Villanueva ng Nueva Ecija.

Bitbit ng Navy ang kabuuang 81:56:49 oras upang pangunahan ang team classification, nasa ikalawang puwesto naman ang Go 4 Gold, at pangatlo ang Bicycology Shop-Army.

Itinala ni LBC Red jersey at overall leader George Luis Oconer ang kabuuang 20:29:11 para pamunuan ang anim na Navy na nasa top 10 ng karera kung saan may nakatayang P1-milyong premyo.

Samantala, suot pa rin ng “sprint king” na si Morales ang green jersey sa natipong 14 puntos, habang hindi binibitawan ni El Joshua Carino ang polka dot jersey bilang “king of the mountain” sa natipon ding 14 puntos.Hawak naman ni Ismael Grospe ang yellow jersey sa general under 23 classification.
(Ann Encarnacion)

151

Related posts

Leave a Comment