ANG dapat sana’y magandang hangarin sa likod ng panawagan para sa sabayang pagbibitiw ng lahat ng mataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP), biglang nabahiran ng duda sa mabilis na pagbasura ng kaso laban kay Juanito Remulla III kaugnay ng kasong ilegal na droga.
Walang masama kung iabswelto ng husgado ang isang akusado. Pero sa kaso ni Juanito III na anak ni Justice Sec. Boying Remulla, kapansin-pansin ang mabilis na pag-usad ng kasong paglabag sa Section 11 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) na karaniwang inaabot ng 10 hanggang 15 taong pagdinig para sa mga ordinaryong akusado.
Buwan ng Oktubre nang dakpin ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group ang anak ng kalihim sa aktong pagtanggap ng isang kargamentong kargado ng P1.4 milyong halaga ng high-grade marijuana na inangkat pa sa ibang bansa.
Maging ang isang dating opisyal ng naturang departamento, lubhang nabigla sa mabilis na pagkaabswelto sa akusadong anak ng sekretaryo. Ayon kay dating Justice Undersecretary Jose Justiniano, mas maaga sa 3 buwan na itinakda ng Korte Suprema sa pagdinig ng mga kasong kriminal ang pagkakabasura ng asunto ni Juanito III.
Ayon sa husgado, may problema sa pagprisenta ng ebidensyang isinumite ng piskalya. Partikular na tinukoy ng Las Piñas Regional Trial Court ang kawalan ng kinatawan ng media at barangay sa controlled delivery operation na ikinasa ng Bureau of Customs (BOC) at PDEA.
Sa umiiral na istruktura ng gobyerno, nasa ilalim ng poder ng matandang Remulla ang piskalyang dahilan sa pagkakabasura ng kaso sa kabila ng malakas na ebidensya kabilang ang ilegal na drogang tinanggap ni Juanito III at ang video footage na kuha sa mismong operasyon.
Nakalulungkot isipin – ang paglilinis sa hanay ng PNP na sadyang isinulong bilang bagong taktika ng administrasyon ay tila mauuwi lang sa wala. Bakit kamo? May iba pang kamay na dapat wala sa gobyerno.
