MOTORISTA PINAIIWAS SA ROXAS BOULEVARD DAHIL SA MGA BITAK SA SOUTHBOUND LANE

INABISUHAN ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang mga motorista, partikukar ang truck drivers, na iwasan muna ang Roxas Boulevard dahil sa mga bitak sa southbound lane.

Una nang nai-report ang insidente noong Hunyo 2019 makaraang mahulog ang isang 14- wheeler truck na may kargang buhangin at patungo ng Manila Bay, sa sinkhole sa bahaging northbound service road sa panulukan ng Remedios St. malapit sa Rajah Sulayman Park sa Roxas Boulevard. Sa kabutihang palad ay walang nasaktan sa insidente.

Ang lugar na kinaroroonan ng sinkhole ay agad kinurdon at ang apektadong lugar ay kinukumpuni pa hanggang sa kasalukuyan.

Ayon sa alkalde, ang city engineer’s office sa ilalim ni Armand Andres at ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ay magsasagawa na ng inspeksyon sa nasabing bitak upang pag-aralan para kaligtasan ng buong kahabaan ng Roxas Boulevard na sakop ng Manila.

Partikular na nanawagan si Domagoso sa lahat ng truck drivers, lalo na sa mga may dalang mabibigat na kargamento, na iwasan ang nasabing lugar.

“Nakakita tayo ng mga bitak kaya panawagan ko, ‘wag muna kayong dadaan sa Roxas Boulevard. Delikado po. baka malagay sa alanganin, buti na ang nag-iingat hangga’t ‘di naiinspeksyon. Ayokong me mangyayari na ikagugulat nating lahat, better safe than sorry,” ayon sa alkalde.

Inabisuhan din ng alkalde ang lahat ng truck drivers na gamitin ang old routes ng Finance, San Marcelino, Pres. Quirino Avenue at Osmena Highway. (RENE CRISOSTOMO)

138

Related posts

Leave a Comment