MOVE IT PWEDENG MASUSPINDE – LTFRB

PUNA ni JOEL O. AMONGO

NAGLABAS ng Show Cause Order (SCO) para pagpaliwanagin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang motor taxi na Move It kaugnay sa alegasyon na lumampas ito sa itinakdang rider cap at nabigong i-report ang activation, deactivation at reactivation ng kanilang mga rider.

Nag-ugat ang SCO mula sa pag-amin ng isang kinatawan ng Move It sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services, na nabigo ang kumpanya na ipaalam sa ahensya ang pagbabago o pagtaas ng bilang ng kanilang riders.

Binigyan ni LTFRB chairperson Teofilo Guadiz ang Move It ng limang araw upang magsumite ng isang notaryadong sagot kung bakit hindi ito dapat masuspinde o tanggalin mula sa Motorcycle Taxi Pilot/Study Program.

Ipinag-utos din ni Guadiz sa Move It na humarap sa Motorcycle Taxi Technical Working Group (MC Taxi TWG) sa pagdinig na ginawa sa tanggapan ng LTFRB office sa Quezon City kahapon, Disyembre 18.

“Failure on the part of respondent (Move It) to file its Answer within the prescribed period and to attend the hearing of this case on the aforementioned date shall be considered a waiver on its part to be heard,” ani Guadiz.

Ayon pa kay Guadiz, maaaring maparusahan ang Move It ng suspensyon dahil sa pangyayaring nito.

Samantala, inaasahan namang ilalabas ng Philippine Competition Commission (PCC) sa linggong ito ang kanilang desisyon kaugnay sa usapin ng double franchising ng Grab Philippines sa motorcycle ride-hailing industry.

Kamakailan binili ng Grab ang Move It, ngunit plano rin nitong magpasok ng isa pang player sa motorcycle taxi industry sa pamamagitan ng Grab Bike service.

Iginiit ng isang motorcycle organization na dapat mag-operate bilang iisang entity ang Grab Bike at Move It, dahil pareho silang pagmamay-ari ng isang kumpanya.

Na-PUNA natin na tila kinopo na ng Grab ang hanay ng negosyong ito dahil mayroon na silang Grab, Move It, ay balak pa nitong magkaroon ng Grab Bike.

Sa kabila na wala pang batas na sumasakop sa motorcycle taxi ay marami na tayong nasisilip na mga paglabag ng mga kumpanya nito.

Malaking tulong sa mga Pilipino ang motorcycle taxi na ito, hindi lang sa trabaho, kundi maging sa mga mananakay na nagmamadali.

Hindi natin maitatanggi na maraming sumasakay na mga pasahero dito lalo na ang mga nagmamadali dahil sa sobrang trapik sa Metro Manila, subalit kinakailangan ding higpitan ito para magkaroon ng proteksyon ang mga tumatangkilik dito.

Hindi lang mga pasahero ang magkakaroon ng proteksyon kundi maging ang mga rider na rin, kaya kinakailangang mabantayan ng gobyerno ang mga kumpanya na nagpapatakbo rito.

Hindi rin dapat payagan na kontrolin lang ng iisang kumpanya ang mga tumatakbong motorcycle taxi, kinakailangang mayroon silang kakumpitensya para may pagpilian ang mga mananakay dito.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

117

Related posts

Leave a Comment