MOVE ON NA

BAGWIS

TAPOS na po ang eleksyon. Move on na tayo at tanggapin ang desisyon ng mas nakararami.

‘Yan ang kahulugan ng demokrasya — ang desisyon ng mayorya ang mananaig at hindi ang kagustuhan ng iilan. At kung ano man ang kalalabasan nito sa hinaharap ay kagustuhan din ‘yan ng nakararami.

Sa totoo lang nakakatawa ang mga balitaktakan sa social media. ‘Yung ibang hindi matanggap na talo ang kanilang mga manok ay tinatawag na mga bobo at walang mga pag-iisip ang mga bumoto sa ilang kandidato.

Maaaring sa tingin natin ay hindi sila karapat-dapat na maihalal subalit ‘yan po ay pagtingin natin. Iba po ang tingin ng iba at para sa kanila, ang mga taong tinatawag natin ng kung anu-anong panlalait ay mga mabubuting lingkod-bayan.

Maaaring ‘yung iba ay natulungan noong araw o ang ilang miyembro ng kanilang pamilya. O dili naman kaya nabuksan ang ilang oportunidad sa kanila dahil sa mga nilalait-lait nating mga kandidato.

Huwag naman po natin silang husgahan o tawaging mga bobo o mangmang. Maaaring mali ang kanilang desisyon sa ating pagtingin pero para sa kanila ito ay tama. Kung ang tingin ng ilan sa kanila ay mga bobo, hindi kaya bobo rin ang tingin nila sa mga bumabatikos sa kanila?

Ang katatapos lamang na halalan ay magsilbi sanang aral para sa mga kababayan nating hanggang ngayon ay walang tigil sa kakangawngaw dahil natalo ang kanilang mga manok.

Next election ay kailangan po ninyong magpursige at kumayod nang mabuti para manalo ang mga kandidatong sa tingin ninyo ay mas magagaling na mga lingkod-bayan. Gamitin ang inyong impluwensya upang baguhin ang sa tingin niyo ay bulok na mga paniniwala ng mga kababayan natin pagdating sa politika.

Kulitin natin ang ating mga kamag-anak, ating mga kaibigan at ating mga kakilala at ipaliwanag ang ating mga paninindigan. Turuan natin sila kung ano ang tamang batayan ng pagboto. Kumbinsihin natin sila na kung ano man ang ibinahagi natin sa kanila ay ibabahagi rin nila sa kanilang mga kamag-anak, kaibigan at kakilala.

Ganyan po ang tamang proseso upang manalo ang ating mga kandidato at ang mag-iiyak sa social media kapag ang eleksyon ay tapos na. (Bagwis / GIL BUGAOISAN)

353

Related posts

Leave a Comment