Ang isa ay finalist na, ang isa ay humirit ng decider.
Ganito ang naging resulta ng South division semifinals ng Chooks-to-Go/MPBL Lakan Season sa Strike Gymnasium sa Bacoor City, Huwebes ng gabi.
Dumeretso na sa finals ang Davao Occidental Tigers nang muling talunin ang Zamboanga Family’s Brand Sardines, 62-58. Habang ang Bacoor Strikers ay nanaig laban sa Basilan Steel, 80-69 para itabla sa 1-1 ang serye at isaayos ang decider ngayon (Marso 7) sa parehong venue pa rin.
Kahit wala si MPBL Datu Cup MVP Gab Banal na may iniindang sprained medial collateral ligament, ang Strikers ay agad umalagwa, 37-10, bago pinigilan ang Basilenos sa final assault nito tungo sa 76-69 count sa homestretch.
Sina former pro Michael Mabulac, homegrown talents Ian Melencio at Mark Montuano at Mark Pangilinan ang nagdeliber para kay coach Chris Gavina.
Umiskor si Mabulac ng 14 points at 19 rebounds nang kontrolin ng Strikers ang boards, 58-39. Si Melencio naman na icon sa Cavite leagues bago sumali sa MPBL, ay nagsumite ng 17 points at four assists; nag-contribute si Montuano ng 15 points at seven rebounds at 10 points mula kay Pangilinan.
Humugot naman ang Basilan ng 16 points mula kay Allyn Bulanadi, miyembro ng Gilas Pilipinas pool, 15 points mula sa five triples mula kay former pro Jonathan Uyloan at 11 kay Chris Dumapig.
Pinatunayang hindi tsama ang 47-28 win nila sa Zamboangueños sa Game 1, sa pangunguna ni Kenneth Mocon, iniwan ng Tigers ang kalaban sa kalagitnaan ng fourth quarter, 59-54
Nagawa pang dumikit ng Zamboanga sa pagsasanib-pwersa nina Alvin Pasaol, Santi Santillan, Anton Asistio at Robin Roño, 58-61 sa huling 48 seconds.
Mintis ang tres ni Mark Yee, na lumalaro pa rin sa kabila ng iniindang partial ACL tear, na nagbigay ng huling tsansa sa Zamboanga.
Pero, sablay si Asistio sa panabla sanang tres, kasunod nito ay inisplit ni Bonbon Custodio ng Davao ang charities niya para sa final count.
Si Mocon ang nanguna sa Davao sa kanyang 14 points, apat dito mula sa rainbow territory.
Magsisimula ang South finals sa Lunes, Marso 9. (VT ROMANO)
