(NI KEVIN COLLANTES)
NAPILITAN ang pamunuan ng Department of Transportation-Metro Rail Transit Line 3 (DOTr-MRT3) na pababain ang may 780 pasahero nito mula sa kanilang sinasakyang tren dahil sa dinanas na aberya sa area ng Makati City, Martes ng hapon.
Batay sa advisory, sinabi ng DOTr-MRT3 na dakong ala-1:01 ng hapon nang tumirik ang tren sa southbound lane ng Ayala Station.
Electrical failure na dulot ng mga luma nang electrical sub-components, gaya ng main chopper, regulator, at insulator ang dahilan ng aberya.
Kabilang, anila, sa remedial measure na kanilang isinagawa ay preventive maintenance at pagpapalit ng mga nasirang electrical components.
Kaagad din namang nailipat sa kasunod na tren ang mga pinababang pasahero matapos ang 11 minuto at naihatid nang ligtas sa kani-kanilang destinasyon.
Humingi rin ng paumanhin ang DOTr-MRT3 sa publiko dahil sa perwisyong idinulot ng aberya.
Ang MRT-3 ay bumabagtas sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA), mula North Avenue, Quezon City hanggang Taft Avenue, Pasay City.
155