MURDER ISINAMPA VS 7 SUSPEK SA PAGPATAY SA NCMH DIRECTOR

SINAMPAHAN ng Quezon City Police District (QCPD) ng kasong 2 counts ng murder ang pitong suspek sa pamamaril na ikinamatay ni dating National Center for Mental Health (NCMH) Director Roland Cortez y Luyun at kanyang driver na si Ernesto dela Cruz y Ponce, dakong alas-7:00 ng umaga noong Hulyo 27, 2020 sa Cassanova Drive kanto ng Tandang Sora Ave., Brgy. Culiat, Quezon City.

Ayon kay QCPD director, P/Brigadier General Ronnie Montejo, ang 2 counts ng murder ay isinampa sa QC Prosecutor’s Office nitong Martes laban sa anim na mga suspek at isa pang John Does.

Kinilala ang mga kinasuhan na sina Sonny Sandicho y Mitra, 42; Clarita Avila y Mendoza, legal age, National Center for Mental Health (NCMH) chief administrative officer; George Serrano, legal age, empleyado ng NCMH; Harly Pagarigan, legal age, empleyado ng NCMH; Roman Eugenio y Balaan, 44, negosyante; Cristina Riego y Mitra alyas Ma. Cristina Riego Dela Cruz, legal age, negosyante, at Edieson Riego y Mitra, 26, online seller.

Ayon kay P/BGen. Montejo, isinampa ang kaso laban sa mga suspek base sa mga ebidensiyang nakalap ng mga imbestigador ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), sa pamumuno ni P/Maj. Elmer Monsalve.

Samantala, ang isa pang suspek na patuloy na nakalalaya ay binigyan ng mga awtoridad na pagkakataon na patunayan sa korte na inosento siya sa kaso. (JOEL O. AMONGO)

184

Related posts

Leave a Comment