MURDER SUSPECT NABITAG NG PNP-AKG

ARESTADO sa mga tauhan ni Philippine National Police – Anti- Kidnapping Group director, B/Gen. Jonnel C. Estomo ang isang wanted murder suspect sa lalawigan ng Sarangani noong Martes.

Ayon sa ulat, bandang alas 4:50 ng madaling araw, sinalakay ng grupo ni P/Maj. Neil Peter Operario ng PNP-AKG Davao Satellite Office, na pinamumunuan P/Lt. Col. Clarence Gomeyac ng Mindanao Field Unit, ang pinagtataguan ng suspek na kinilalang si Eddie Robles sa Purok 4, Brgy. B’Laan, Malungon sa nabanggit na lalawigan.

Ayon kay P/Maj. Rannie Lumactod, tagapagsalita ng PNP-AKG, si Robles ay itinuturong suspek sa pagpatay kay Mario Dialoding Malasugue alyas “Amang” noong Agosto 5, 2009 sa Sitio Almorok, Bulot Salo, Kiblawan, Davao Del Sur.

Si Robles ay target ng warrant of arrest na inilabas ni Hon. Carmelita Sarino-Davin, Presiding Judge ng RTC Branch 8, 11th Judicial Region, Digos City, Davao Del Sur, sa kasong murder at walang piyansang inirekomenda para sa suspek.

Labing-isang taon na ang nakalilipas nang patayin umano ng suspek ang biktima na isang katutubong B’laan, tribal chieftain, sa isang staff house.

Matapos hatawin ng kahoy sa ulo ang biktima ay binuhusan ng gasolina at sinunog ang bangkay.

Kasunod nito, nagtago na ang suspek kasama ang kanyang pamilya, sa Davao Del Sur, Davao Del Norte at sa kabundukan ng Davao Oriental hanggang sa matunton ng mga awtoridad sa Saranggani Province. (JESSE KABEL)

149

Related posts

Leave a Comment