Misyon Aksyon, pakikalampag ang TESDA Region 3 Guiguinto, Bulacan dahil nagbibigay ng pekeng certificate ang mga empleyado nito bilang patunay na sila ay kuwalipikado at nagtapos sa kasanayan bilang isang technician sa LTO ng Motor Vehicle Inspection Service (MVIS).
Katunayan po isang mayor ang sumulat sa tanggapan ni Usec. LTO Edgar Galvante para ipasiyasat ang nasabing certificate mula sa Guiguinto na siya ay kuwalipikado bilang isang Motor Vehicle Emission Control Technician (MVECT) noong March 10.
Paano mabibigyan ng tamang pagsusuri ang lahat ng sasakyan na isa sa requirements ng LTO upang mairehistro ang mga behikulo na binigyan ng karapatan ng DOTr sa isang pribadong stakeholder na PETC sa buong bansa.
Sila ang magsasagawa ng pagsusuri kung kuwalipikado ang behikulo na maayos na tumakbo at matiyak na hindi makasisira sa kalikasan.
Misyon Aksyon, nakarating ito kay TESDA Sec. Isidro S. Lapena makaraang ireklamo ni Salvador Francisco ng Cainta, Rizal kalakip ang kanilang katibayan na ito ay peke pero may lagda ng kinatawan ng Regional Training Center Central Luzon (RTCCL) Guiguinto. Mukhang nagkaroon na po ng bagong branch ang University Recto ng Maynila, limbagan ng mga pekeng certificate at napunta sa Guiguinto.
Tinatawagan ng pansin: LTO Usec. Edgar Galvante, pakiaksyunan naman po ang mga PETC technician, dahilang ang kanilang kasanayan bilang isang technician ay hindi dumaan sa tamang sistema at hindi sila angkop sa kanilang posisyon dahil peke ang kanilang certificate sa TESDA. Nakababahala po ang ganitong kalakalan.
Kay TESDA Director Isidro S. Lapena, sir, kailangan ang agarang imbestigasyon at aksyon dahil pag ganito ang uri ng kalakalan masisira po ang inyong ahensya, lalo na nagkaroon ng branch ang University of Recto ng mga namemeke sa ilalim ng TESDA. ‘Di po ba?
Ang TESDA ang siyang humuhubog ng magagaling na skilled worker natin na siyang pinadadala sa ibang bansa dahil sa husay ng ating mga manggagawa, huwag sana nating payagang malagyan ng batik ang inyong ahensya dahil lamang sa pera-pera certificate na kalakalan. Hindi po natin puwedeng upuan lang ang ganitong kaso. Aksyon na po…
Bukas po ang aking kolum para sa inyong panig at kapaliwanagan.
NOTE: PROBLEMA sa SSS, GSIS, PAG-IBIG homeowners at iba pa. Cellphone no. Smart 09420874863/ 09755770656 EMAIL ADDRESS: Misyonaksyon@yahoo.com/arnel_petil@yahoo.com/ arnelpetil12@gmail.com http://misyonaksyon.blogspot.com (Misyon Aksyon / ARNEL PETIL)
