KINUMPIRMA kahapon ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nasa Pilipinas na ngayon ang makabagong anti-ship missile ng Estados Unidos na Navy-Marine Expeditionary Ship Interdiction System (N-MESIS) at nakatakdang gamitin ito sa gaganaping RP-US Balikatan 2025 war exercise.
Ang N-MESIS ay isang high mobile coastal anti-ship weapons system na may kakayahang patamaan ang mga barkong pandigma mula sa land-based na kinalalagyan nito. Unang inihayag ng US Department of Defense na ilalagay nito ang mga advanced military capability sa bansa sa pagsisimula ng Balikatan joint military exercise.
Ang nasabing pahayag ay kasunod ng ginawang pagbisita sa bansa ni US defense secretary Pete Hegseth na kung saan ay nagkasundo ang US at Pilipinas na palakasin ang ugnayan laban sa anumang banta sa Indo-Pasipiko.
Kahapon sa pre-Balikatan media briefing ay kinumpirma ni Balikatan assistant exercise director at spokesperson Brigadier General Michael Logico na nagsabing nakatakdang gamitin sa taunang Balikatan war games ang N-MESIS .
“The N-MESIS, I will confirm that it is already in the country,” ani Logico sa nasabing pulong balitaan sa loob ng Kampo Aguinaldo subalit hindi nito inihayag kung saan lugar ito ipupuwesto.
“I will not say where it is but it is going to participate. It’s going to be part of the exercises,” dagdag nito.
Sa pagbisita ni Hegseth ay inihayag na nitong magde-deploy sila ng N-MESIS sa Pilipinas para makatugon sa credible territorial defense posture ng Pilipinas.
Dagdag pa ng kalihim ng US na ang nasabing missile system ay makakatulong para masanay ang mga sundalo ng US at Pilipinas gamit ang mga makabagong kagamitan para sa pagdepensa ng bansa.
Ikinagalak naman ni defense secretary Gilbert Teodoro Jr ang deployment ng N-MESIS na kung saan makakatulong umano ito sa pagpapaangat ng military capability ng Pilipinas.
Inaasahang maiiwan dito sa bansa ang N-MESIS para magamit sa mga isasagawa pang mga pagsasanay sa hinaharap gaya ng US Army’s Mid-Range Capability (MRC) Typhon missile system.
Nabatid na bukod sa N-MESIS ay gagamitin din sa pagsasanay ang US Army’s Mid-Range Capability (MRC) Typhon missile system na nanatili sa Pilipinas matapos ang nakaraang US-Philippine joint exercise.
Nakatakdang opisyal na pasimulan ang 2025 Balikatan exercise pagkatapos ng Holy week at tatagal hanggang May 9, 2025.
Tinatayang nasa 14,000 personnel ang sasabak sa sabayang pagsasanay na bubuuin ng limang libong sundalo mula sa AFP habang 9,000 naman ang sasabak mula sa US Armed Forces, bukod sa may 200 active participant mula sa Australian Defense Force (ADF).
Magsisilbi namang mga exercise observers ang mga kinatawan mula Brunei, Canada, Colombia, Czech Republic, France, Germany, India, Indonesia, Japan, Malaysia, New Zealand, Poland, Singapore, South Korea, Thailand, United Kingdom at Vietnam.
(JESSE KABEL RUIZ)
