AKLAN – Nawalan ng pag-asang makauwi sa kanilang lugar ang isang construction worker kaya nagpasyang wakasan ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbibigti, iniulat ng pulisya nitong Sabado ng umaga sa bayan ng Malay sa lalawigang ito.
Hindi pinangalanan ang 27-anyos na biktimang taga Dumarao, Capiz at nanunuluyan sa Sitio Diniwid, Brgy. Balabag, Isla ng Boracay, Malay, Aklan.
Batay sa report ng pulisya, dakong alas-11:00 ng umaga nang matagpuan ang biktima habang nakabigti sa banyo ng tinutuluyan nitong boarding house sa nasabing lugar.
Bago ang insidente, tumawag umano ang biktima sa kanyang ama at tila namamaalam nang sabihing “Baka ito na ang huli kong tawag”.
Kuwento ng kasamang si Dennis Sarmiento, dakong umaga, iniwan niya ang biktima habang nagkakape sa labas ng kanilang tinitirahan.
Ngunit pagbalik niya ay laking-gulat niya nang makitang nakabitin ang biktima sa loob ng banyo at wala nang buhay.
Napag-alaman, simula nang ipatupad ang lockdown ay naging malungkutin umano ang biktima at madalas ay walang imik.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente. (ANNIE PINEDA)
344
