TINIYAK ni Philippine National Police chief, Police General Dionardo Carlos na may paglalagayan ang walong kasapi ng PNP Criminal Investigation and Detection Group na inaresto ng kanilang mga kasamahan matapos na maaktuhang ninanakawan ang isang bahay na tinitirhan ng ilang Chinese nationals.
Ayon kay PNP-CIDG Director P/MGen. Albert Ignatius Ferro, sinisiguro niyang mananagot ang walong pulis na kinilalang sina sina Maj. Ferdinand Mendoza, Ssgt. Mark Anthony Reyes Iral, Ssgt. Sanny Ric S. Alicante, Cpl. Richmond P. Francia, Cpl. John Gervic N. Fajardo, Cpl. Kenneth Rheiner Ferrer Delfin, Pat. Leandro Veloso Mangale at Pat. Hermogines A. Rosario Jr. na pawang nakatalaga sa Anti-Organized Crime Unit ng PNP-CIDG sa Angeles City.
Ayon sa inisyal na ulat na nakarating sa Camp Crame, pinasok ng nasabing walong pulis na pawang mga nakasibilyan, kasama ang dalawang Chinese at isang Pilipino, ang tinutuluyan ng pitong lalaking Chinese at Pinoy na kasama sa bahay sa Missael St., Diamond Subd., Brgy. Balibago, Angeles City.
Nagpakilala ang mga suspek na mga tauhan ng PNP-CIDG at nagsagawa umano ng buy-bust operation.
Subalit lingid sa grupo, nakatanggap na ng impormasyon ang mga pulis na nakatalaga sa PNP-CIDG City Field Unit na nakabase sa Angeles City, Pampanga, hinggil sa nangyayaring nakawan kaya agad na nagresponde ang mga ito.
Pagdating sa lugar ng pinagsanib na puwersa ng Angeles CFU kasama ang CIDG CFU Angeles at Regional Field Unit 3, sa pamumuno ni P/Maj. Jonathan G. Mostoles, ay naabutan sa labas ang tatlo sa walong pulis pero sinabing sila ay may operasyon sa lugar.
Ngunit sa pagsasagawa ng imbestigasyon, natukoy na ninakaw pala ng mga pulis na ito ang mahahalagang gamit sa loob ng bahay ng pitong Chinese kabilang dito ang tseke at cash na P300,000 at US dollars bills.
Nakita sa loob ng isang starex van na gamit ng mga suspek ang mahahalagang gamit ng pitong Chinese national.
Pansamantalang nasa kustodiya ng CIDG Angeles CFU ang naarestong mga suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo sa mga ito. (JESSE KABEL)
217 