Nadiskubre ng Army, PNP-PRO5 MINORS ISINASAMA SA EXCURSION NG CTG PARA GAWING NPA

MARIING kinondena ng Joint Task Force-Bicolandia ang hanay ng communist terrorist group sa panlilinlang sa mga menor de edad na iniimbitahan sa mga excursion para pwersahang gawing kasapi ng New People’s Army.

Ito ang nabulgar na pamamaraan ng CPP-NPA sa pangangalap ng child warriors matapos na sumuko ang 26 miyembro ng communist terrorist group na karamihan ay mga menor de edad sa lalawigan ng Masbate.

Ayon sa ulat na natanggap ni PNP-Police Regional Office 5 Director General Jonnel C. Estomo, sa kabuuan ay 19 children involved in armed conflict (CIAC) ang boluntaryong sumuko sa mga awtoridad sa Barangay Balete, Aroroy, Masbate.

Kabilang sa mga sumuko ang isang 12-anyos, dalawang 13-anyos, anim na 14-anyos, apat na 15-anyos, dalawang 16-anyos, tatlong 17-anyos at isang 19-anyos.

Ayon sa isa sa mga sumuko, Marso 2020 nang imbitahan silang sumama sa isang excursion ngunit laking gulat nila na dodoktrinahan pala sila ng mga miyembro ng CTG.

Kaugnay nito, tiniyak naman ni P/BGen. Estomo ang agarang pagproseso ng patong-patong na kaso laban sa mga miyembro ng CTG na responsable sa pag-recruit ng nasabing mga menor de edad.

“Hindi tayo papayag na hindi mahuli, makulong at maparusahan ang mga communist terrorist na nanlinlang sa mga batang ito. Kailangan nilang makulong para wala nang iba pang mga kabataang mabiktima ng kanilang modus,” ani P/BGen. Estomo.

“Sila ay nilinlang ng mga miyembro ng CTG at sapilitang ni-recruit. Malinaw itong paglabag sa batas at paglapastangan sa karapatan ng mga kabataan,” pahayag naman ni Lt. Col. Siegfried Awichen, Battalion commander ng 2nd Infantry Battalion (2IB).

Sa ilalim ng RA 9851 o Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity, mahigpit na ipinagbabawal ang pag-recruit ng mga menor de edad upang isali sa ano mang uri ng armadong grupo.

Mariin din itong ipinagbabawal sa RA 11188 o Special Protection of Children in Situations of Armed Conflict Act kung saan nakasaad din na ang mga tinatawag na children involved in armed conflict (CIAC) ay ang sino mang menor de edad na sapilitang isinali sa isang armadong grupo.

Bunsod nito, tahasang kinondena ni Col. Aldwine Almase, Brigade commander ng 903rd Infantry Brigade ang CTG sa patuloy na panlilinlang sa mga kabataan.

“Walang matinong tao o grupo ang magre-recruit ng mga kabataan para isali sa armadong tunggalian. Si Keith Absalon, gaya ng marami pang kabataan, ay walang awa nilang pinatay, ngayon naman ay isa na namang katotohanan ang lumantad sa kanilang walang pakundangang pagyurak sa kinabukasan ng mga kabataan sa Masbate. Tapos sasabihin ng CTG na kakampi sila ng mamamayan pero hindi nila pinahahalagahan ang buhay ng mga kabataang ito. Bata pa, gusto na nilang sirain ang kinabukasan at gawing miyembro ng walang katuturang teroristang grupo,” ani Col. Almase.

Ayon naman kay MGen. Henry A. Robinson Jr., PA, commander ng Joint Task Force (JTF) Bicolandia, ang patuloy na pagsuko ng mga miyembro ng CTG lalo na ng 19 kabataan ay bunga ng pakikipagtulungan ng mga Masbateño sa mga awtoridad lalo na ng mga magulang na nagmamalasakit sa kanilang mga anak. (JESSE KABEL)

102

Related posts

Leave a Comment