HINDI naisalba sa pagamutan ang isang 21-anyos na binata makaraang masagasaan ng isang Toyota Revo nang madulas ang motorsiklo ng biktima matapos iwasan ang lalaking biglang tumawid sa kalsada sa Sampaloc, Manila nitong Biyernes ng hapon.
Nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas sa Tondo General Hospital ang biktimang si Earl Vince Espino, ng #239 Josefina St., Sampaloc.
Samantala, inasistehan naman ng miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang driver ng Toyota Revo na kinilalang si Jesnyr Jay Dela Calzada, 23, ng Alcan Nasipit, Agusan Del Norte, sa Manila District Traffic Enforcement Unit.
Batay sa ulat ni P/Capt. Jaime Gonzales, hepe ng Investigation Unit ng MDTEU, bandang alas-3:00 ng hapon nang mangyari ang insidente sa west bound lane ng panulukan ng Fajardo at Carola streets sa Sampaloc.
Ayon sa report ng pulisya, binabagtas ng biktima ang westward lane ng Fajardo St. ngunit pagsapit sa Carola St., nang biglang may tumawid na lalaki kaya iniwasan nito naging dahilan nang paggewang ng motorsiklo at nadulas hanggang sa pumailalim sa kasunod na Toyota Revo.
Mabilis na isinugod ang biktima sa pagamutan ngunit binawian ng buhay dakong alas-4:20 ng hapon. (RENE CRISOSTOMO)
215 