CAVITE – Deretso sa kulungan ang isang lalaking nag-apply ng police clearance nang mabuking ang kanyang kaso sa Dasmariñas City noong Martes ng umaga.
Ayon sa ulat, bandang alas-10:45 ng umaga nang magtungo si alyas “Reymark” sa Dasmariñas Component City Police Station (CCPS) upang mag-apply ng police clearance na kailangan para sa kanyang trabaho.
Makaraan ang ilang minutong paghihintay, imbe na police clearance ang inabot sa kanya ay sinilbihan siya ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Honorable Francisco Victor Collado Jr., ng Regional Trial Court Branch 90 ng Dasmariñas City.
Ito ay matapos makita sa kanilang system ang kaso ng suspek na paglabag sa RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act.
Ang suspek ay maaaring maglagak ng piyansang P24,000 para sa kanyang pansamantalang paglaya. (SIGFRED ADSUARA)
