MARIING itinanggi ni Philippine National Police chief, Lt. Gen. Melencio Nartatez ang kumalat na paskil sa Facebook na nagsasaad na hinihikayat ng PNP top cop ang mga pulis, mga sundalo at iba pang uniformed personnel na sumuway sa lawful orders ng Pangulo ng Pilipinas.
“These statements are fabricated and malicious, intended to spread confusion and discredit our institution,” pahayag ni Gen. Nartatez.
Bunsod nito, ipinag-utos ng heneral na magsagawa ng imbestigasyon sa pinagmulan ng mali at malisyosong impormasyon at isakdal ang mga responsable sa likod nito.
Nabatid na inihahanda na ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group at PNP Anti- Cybercrime Group ang subpoena sa social media user na nag-post ng nagsasabing hinikayat ni Lt. Gen. Nartatez ang mga police officers na suwayin si President Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay PNP public information chief, Brig. Gen. Randulf Tuaño, base sa report ng PNP -CIDG at PNP ACG, inalis na ng taong nag-post sa Facebook ang ipinaskil na disinformation subalit natukoy na rin ito kaagad ng mga awtoridad.
Lumilitaw na isang professional umano na taga Mindanao ang nag-post at pakay ngayon ng ikinakasang subpoena ng CIDG para mabigyang pagkakataon na makapagpaliwanag.
Muling inulit ni Gen. Nartatez, “Our loyalty is to the Filipino people and to the rule of law.”
Ayon sa heneral, ang nasabing social media post ay “fabricated and malicious” at layunin lamang nito ay maghasik ng kalituhan at siraan ang kanilang organisasyon.
(JESSE RUIZ)
