NAGASTOS NG RIDERS SA ‘BARRIER’ IPINABABALIK

IGINIIT ng isang mambabatas na ibalik sa riders ang kanilang ginastos sa motorcycle barriers, dahil hindi na kailangan ang mga ito, lalo na sa mga mag-asawa na magka-angkas.

Ginawa ni Ako Bikol Party-list Rep. Alfredo Garbin matapos magpasya ang mga kinauukulan na hindi na kailangan ang ‘barrier’ kapag mag-asawa ang magkaangkas sa isang motorsiklo.

“Now, what do we do with all those motorcycle barriers which cost hundreds or up to thousands of pesos depending on the design?,” ani Garbin dahil nakabili na ang mga rider ng barriers bago nagdesisyon ang mga kinauukulan na hindi na ito kailangan.

“Kailangang mabawi ng motorcycle riders ang kanilang ginastos para makabili at magpa-install ng motorcycle barriers. Gumastos sila ng perang pambili sana ng pagkain at gamot. Hustisya,” ani Garbin.

Magugunitang inobliga ang mga rider na maglagay ng barrier sa pagitan nito at ng kanyang pasahero, kahit asawa niya ito, bilang proteksyon sa kanilang sarili laban sa COVID-19.

Dahil dito, halos lahat ng mga rider ay napilitang gumastos para maglagay ng barrier ngunit biglang nagbago ang isip ng mga kinauukulan dahil hindi na umano ito kailangan kapag mag-asawa ang magkaangkas.

Upang makabawi aniya ang mga rider na napilitang gumastos, ibawas na lamang umano ito sa kanilang binayarang registration fees sa Land Transportation Office (LTFRB) o kaya sa multa sa Metro Manila Development Authority (MMDA) kapag sila ay nahuling lumabag sa batas trapiko.

Maaari rin umano itong ibalik sa pamamagitan ng groceries na kasing halaga ng kanilang nagastos sa barrier kapag nagkaroon ng Diskuwento Caravan ang Department of Trade and Industry (DTI).

Bukod dito, puwede aniyang bilhin na lamang ng gobyerno ang mga barrier na ito sa mga rider upang magamit sa personal defense shield ng mga barangay tanod at mga pulis. (BERNARD TAGUINOD)

115

Related posts

Leave a Comment