Nagbabayad ng billboard pinalalantad ng solon SINO SPONSOR NI PANELO?

(BERNARD TAGUINOD)

UPANG masiguro na hindi pera ng bayan ang ginagamit sa mga billboard ng government officials, kailangang ilantad ng mga ito kung saan galing ang pondo sa ‘maaga nilang pangangampanya’.

Ito ang tinuran ni ACT party-list Rep. France Castro matapos lumitaw ang billboard ni Presidential legal counsel Atty. Salvador Panelo sa kahabaan ng Katipunan Avenue, Quezon City.

Ayon kay Castro, hindi biro ang halaga ng lingguhang bayad sa ganitong mga billboard sa mga estratehikong lugar kaya nararapat umanong isapubliko ni Panelo kung saan galing ang ipinambabayad niya rito.

“Dapat (ilantad sino ang gumagastos) kasi nasa gobyerno sya at paano sya nagme-maintain ng ganyang kamahal na ads,” ayon sa mambabatas nang maging viral sa social media ang billboard ni Panelo.

Base sa pagsasaliksik ng SAKSI Ngayon, nagkakahalaga ng P37,500 hanggang P75,000 ang buwanang renta sa maliit na billboard sa Metro Manila habang umaabot sa P100,000 ang medium-size billboard.

Maaaring umaabot sa P700,000 kada buwan ang renta sa isang billboard na nakalagay sa matataong lugar at aabot pa ito hanggang P750,000 kada buwan kung digital.

Ani Castro, hindi niya minamaliit ang kakayahan ni Panelo subalit kailangang malaman aniya ng taumbayan kung saan galing ang ipinambabayad sa billboard nito.

Base sa billboard ni Panelo, hinihikayat nito ang mga tao na sumunod sa health protocols habang nasa gitna ng pandemya ang bansa bagay na malayo sa kanyang trabaho bilang abogado ng pangulo.

Kung meron man aniyang tumulong sa presidential counsel ni Pangulong Rodrigo Duterte, dapat niyang isapubliko ito para malaman kung mayroon silang transaksyon sa gobyerno o wala.

“Kailangang maging transparent kung gusto niyong tumakbo sa susunod na eleksyon,” ayon pa sa mambabatas para matiyak na ang taumbayan ang pagsisilbihan at hindi ang pinagkakautangan ng loob ng politiko.

Naniniwala si Castro na ang paglutang ng billboard ni Panelo ay bahagi ng kanyang preparasyon sa pagtakbo sa senatorial race sa 2022 kaya ngayon pa lamang ay nagpaparamdam na ito.

Magugunita na sa isang pulong sa Malacañang noong huling linggo ng Hunyo, mistulang inendorso ni Pangulong Duterte si Panelo bilang isa sa mga senatorial bet ng administrasyon sa susunod na eleksyon.

Bago ito ay naglabasan din sa social media ang pagbubuhat ni Panelo ng sako ng bigas na ipinamimigay sa mga tao sa isang probinsya sa Central Luzon na pinuna ng netizens dahil hindi ito nagtatrabaho sa Department of Agriculture (DA).

230

Related posts

Leave a Comment