NAGLIPANG RAFFLE DRAWS SA SOCIAL MEDIA LEGAL BA?

PUNA ni JOEL AMONGO

MARAMING nagtatanong sa PUNA kung legal ba o labag sa batas ang napakaraming naglabasan na raffle draws ngayon sa social media.

Ang makikita nating naglipanang raffle promos sa social media ay ang mga sasakyan na motorsiklo (single), kotse, appliances, gadgets at maging pabahay.

Base sa pagkakaalam natin, ang business establishments na magsasagawa ng raffle draws ay kailangan mayroon silang permit sa loob ng 30-araw bago nila isagawa ang kanilang promotional campaigns.

Malaki o maliit man ang promosyon ay kailangan may permit mula sa Department of Trade and Industry (DTI), maging ang promotional campaigns na tulad ng raffle, premium, redemption, games, contest at competitions na nangangailangan ng mga pagbili, kailangan ay may permit sila.

Habang ang in-store promos, government-related campaigns o anomang kompetisyon na hindi nangangailangan ng mga pagbili, ay exempted na sa pagkuha ng permits.

Ang permit ay siyang magpapatunay na lehitimo ang kanilang promotional campaigns na naaayon sa Republic Act 7394 o ang Consumer Act of the Philippines, para maiwasan ang kalituhan.

Bago makakuha ng permit para sa promotional campaign na tulad ng raffle draw, ay kinakailangang ang iyong negosyo ay nakarehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC) at DTI at dapat ay may Mayor’s permit.

Ang business establishments ay kailangang maghintay ng three (3) working days bago sila magsagawa ng promo para sa discount, premium at redemption habang 10-working days ang dapat obserbahan para sa raffle and competition.

Kabilang sa mga kinuwestiyon ay ang raffle draws ng TripM Garage na ang premyo ay isang Honda Civic fc 2018/P750,000 batch 4, draw date: July 8, 2023 na ang per slot ay P150; Ground Auto Garage raffle P199, ang premyo ay isang BRANDNEW EVEREST o P1,8000,000 cash, P199 per slot, Prizes 1st Ball – 5th Ball = P1500, 6th Ball – 25th = P10,000, 26th Ball – 27th = P5,000, 28th Ball – P5,000, 29th Ball – P10,000, 30th Ball – FORD EVEREST 2023 o P1,800,000; Lucky Fortune RAFFLE: TOYOTA FORTUNER LTD o P2.1-M; ROXXY Cars, ‘Grab your slots now! Yamaha Aerox 155 or 150k cash, 99 pesos per slot only, message us to avail slots’; at DnJ House & Lot Raffle 2.0, P500 per slot, ‘ito na ang chance mo maiuwi ang pamilya sa bahay o maging milyonario, 1 million convert cash.’

Kinuwestiyon din ng netizens kung paano nila malalaman na nanalo sila at kung totoo nga isinama sila sa raffle.

Hindi rin nila alam ang mga address ng mga kumpanyang ito na nagsasagawa ng raffle promos.

Maging ang PUNA ay nag-iisip kung legal nga ba ang raffle promos na ito dahil naglipana ito ngayon sa social media.

Naaakit ang netizens sa mga ganitong pa-raffle dahil sa halagang P150 hanggang P500 lang ay magkakaroon ka na ng motor, kotse at bahay.

Maging tayo ay inengganyo na sumali sa nasabing raffle promos subalit hindi natin kinagat dahil duda tayo sa mga ganitong klaseng kalakaran na walang kasiguruhan.

Ang halagang P150 hanggang P500, sa dami nang sasali na netizens, ay aabutin ito ng milyong piso.

Ang mga multa sa business establishments na lalabag sa batas ng raffle promos ay mula P500 hanggang P300,000 sa capitalization at additional fine na hindi hihigit sa P1,000 para sa bawat araw ng patuloy na paglabag.

Paalala ng DTI sa publiko, maging responsable sa pagsali sa promo, campaigns at pagbili sa physical store or online.

“When joining a raffle, provide complete and accurate information. Also, be cautious in buying promo products near expiry date. You have to ask yourself if you can consume your purchases before buying a product on sale or on discount,” ayon pa sa paalala ng DTI.

Kinakailangang gumawa ng aksyon ang gobyerno laban dito dahil kawawa naman ang mabibiktimang mga ito.

oOo

Para sa suhestiyon at sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

1695

Related posts

Leave a Comment