DPA Ni BERNARD TAGUINOD
HINDI ko masisisi ang mga tao na isiping pinagloloko na tayo ng mga kumpanya ng langis dahil kapag nagbababa sila ng presyo ay katiting pero kapag nagtaas ay big time.
Tulad na lamang etong OPH na ipatutupad ngayong araw ng oil companies sa bansa na aabot sa P6.50 sa diesel, P2.80 sa gasolina at mahigit P5 din sa kerosene na mabigat sa bulsa ng mga motorista.
Noong magbaba ng presyo ng diesel ang mga kumpanya ng langis noong Mayo 24, 2022 ay umaabot lamang ng P2.30 kada litro pero agad nila itong binawi matapos ang isang linggo dahil tinaasan nila ito ng P1.20 kada litro noong May 31.
Kung baga may babawiin pa silang P1.10 kada litro para mabawi ang P2.30 pero P5.60 ang itataas ng presyo nito kaya parang kumabig pa sila ng P4.50 kada litro. Saan ang katarungan?
Karaniwan nang nangyayari na kapag nagbababa sila ng presyo ay baryang-barya at nagrereklamo na ang mga tao pero nagtataka naman ako sa Department of Energy (DOE), bakit hindi kumikibo.
Kung kikibo man ay pagdedepensa pa sa oil companies at wala pa yata akong narinig na kinastigo nila ang mga ito, wala pa. Sa katunayan nga, sila pa ang nauunang mag-anunsyo na magkakaroon ng oil price increase.
Hindi puwedeng sabihin ng mga kumpanya ng langis na nalulugi sila dahil kung magdedeklara sila ng kita ay bilyon-bilyon pero bakit hindi kumikibo ang DOE gayung ang kanilang sinumpaang tungkulin ay protektahan ang interes ng mamamayan?
Ang epekto ng hindi pagkibo ng DOE ay sinasalo ng mga ordinaryong mamamayan dahil tiyak na magiging dahilan ito ng pagsasamantala ng mapagsamantalang mga negosyante.
May mga gasolinahan kasi na nagtatago ng langis kapag alam nilang magtataas ng presyo para ‘yung nabili nila sa murang halaga ay maibebenta nila sa mas mahal at matik ang kita dun.
Ipapaskel lang nila sa bungad ng kanilang gasolinahan ang karatula na naubos na ang kanilang diesel pero kapag nagsimula nang maipatupad ang big time rollback eh nagbebenta na sila gayung wala pang 24 oras noong ianunsyo nila na ubos na ang kanilang diesel? Paanong nangyari yun!
Dahil diyan, ang daming tsuper na ang hindi na namamasada lalo na kung nakikipasada lang dahil wala na silang kinikita dahil abot-langit na ang presyo ng diesel na karaniwan nilang ginagamit.
May mga impormasyon akong natanggap na maraming tsuper na ang umuwi na lang ulit sa kanilang probinsya dahil hindi na makatarungan ang presyo ng diesel. Napapagod lang sila sa pamamasada pero walang kita kaya umuwi na lang sila.
Kapag dadami pa ang mga tsuper na ayaw nang mamasada, ang epekto na naman niyan ay sa mga ordinaryong mamamayan dahil wala silang masakyan kaya ang tanong kailan naman magmamalasakit ang DOE sa consumers?
209 