WALONG tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Anti-Organized Crime Unit ang ipinasisibak sa serbisyo matapos ang isinagawang preliminary investigation hinggil sa umano’y pagnanakaw sa kanilang ikinasang police operation sa Angeles City, Pampanga
Inirekomenda ng PNP-Internal Affairs Service (PNP-IAS) kay PNP chief, General Dionardo Carlos na sibakin sa serbisyo ang walong pulis na miyembro ng PNP-CIDG dahil sa kasong robbery sa Angeles City noong Enero.
Ayon kay PNP-IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo, lumabas sa inisyal na pagsisiyasat na hindi legal ang buy-bust operation na isinagawa ng walong pulis sa halip ay intensyon lamang ng mga itong magnakaw.
Kabilang sa ipinasisibak sa serbisyo sina Police Maj. Ferdinand Mendoza; Police Staff Sgt. Mark Anthony Iral; Police Staff Sgt. Sanny Ric Alicante; P/Cpl. Richmond Francia, P/Cpl. John Gervic Fajardo; P/Cpl. Kenneth Rheiner Delfin; Pat. Leandro Mangale, at Pat. Hermogines Rosario Jr.
Inakusahan ang walong pulis ng pagtangay sa pera, alahas at cellphone ng mga biktimang Chinese na mga empleyado ng Philippine offshore gaming operator (POGO), na nagkakahalaga ng P3 milyon, sa isang subdivision sa Barangay Balibago, Angeles City.
Magugunitang nagsagawa ng operasyon ang CIDG regional field unit (RFU) 3 makaraang makatanggap ng ulat dakong 1:00 ng madaling araw noong Enero 26 hinggil sa nakawan sa isang residential area sa Diamond Subdivision sa Barangay Balibago, Angeles City, na isinagawa umano ng isang grupo ng kalalakihan na nakasuot ng civilian clothes na nagpakilalang mga tauhan ng CIDG.
Pagdating ng nagrespondeng mga awtoridad, nasakote nila ang mga suspek na nagsabing nagsasagawa sila ng buy-bust at operasyon kontra loose firearms.
Bukod sa walong akusadong pulis, inaresto rin ang dalawang Chinese citizens at isang Filipino, habang pitong Chinese at isang Filipino house helper ang nasagip ng mga awtoridad.
Nakuha sa sasakyan ng akusadong mga pulis ang P300,000 cash at
unspecified amount ng US dollar bills. (JESSE KABEL)
