TULOY pa rin ang illegal na sabong online kahit na mahigpit ang tagubilin ng Executive Order No. 9 ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr.
Ito’y dahil na rin sa proteksyon na ibinibigay ng isang alyas Paul Tangkad na diumano’y miyembro ng National Bureau of Investigation (NBI).
Si Paul Tangkad na nagpapakilalang ahente ng NBI-Special Task Group ay hayagang gumagamit sa pangalan ngayon ni NBI director Jimmy Santiago — bagay na dapat aksyunan para matigil ang kabuktutan ng suspect.
Ipinagmamalaki ni Tangkad na barkada, kabarilan at ka-basketball niya si alyas Taba na labas-pasok umano sa tanggapan ni Santiago.
Ang modus-operandi ni Paul Tangkad ay nagpapakilala na siya umano ang ‘authorized bagman’ para mangolekta ng tongpats o payola sa iba’t ibang illegal na e-sabong sa buong Luzon region.
Umabot sa P2 million weekly ang nakukuhang kotong ni Paul Tangkad kung saan ilan sa mga tauhan nito na inuutusan niyang mangolekta ng payola ay nagngangalang Limuel, Noel Taba, Jack Tarlac at Alias Datu.
Bukod sa illegal na sabong online, kinokotongan din umano ni Paul Tangkad ang ilan namang illegal operations ng POGO.
Bilang patunay, ilang video na rin ang kumalat sa social media kung saan ay kitang-kita kung paano nanghihingi ng payola si Paul Tangkad sa ilang ilegalistang POGO operator.
Kasabay nito, marami naman ang nananawagan kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Nicolas Torre na sinserong ipatupad ang EO9 ni PBBM na binababoy ngayon ng ilang indibidwal partikular na ang nagpapakilalang bagman na si Paul Tangkad.
Palagiang sinasabi ni Paul Tangkad na konektado rin siya sa PNP kaya malinis at malaya umanong nakakapag-operate ngayon ang illegal e-sabong, lalo na są Batangas, Abra at buong Central Luzon region.
Kung ang pangalan ni NBI chief Santiago ay hayagang ginagamit ni Paul Tangkad, si Police Regional Office 3 (PRO) commander Gen. Rogelio Penones naman ay iniyayabang ni Paul Tangkad na ‘sanggang-dikit’ umano niya, gayundin si Bulacan Police Provincial chief Col. Angel Garciliano na umano’y katuwang naman nito bilang ninong sa isang binyag.
Kung matatandaan, mainit ang usapin ngayon ng sabong online dahil naman sa kontrobersiya ng 34 missing sabungeros na itinuturo ngayon sa kampo ni gambling tycoon Atong Ang, gayundin sa aktres na si Gretchen Barreto.
Sa EO9 ni PBBM, mahigpit na ipinagbabawal ang sabong online sa buong Pilipinas at inaatasan ang buong awtoridad na hulihin ang sinomang lumalabag dito.
