NAGPAPARAMDAM NA SI MR. SECRETARY

PINANINIWALAAN ng mga taga-probinsya na naghahahanap na ng fallback ang isang miyembro ng ­Gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil walang ­kasiguraduhan na magkakaroon uli ito ng posisyon sa susunod na administrasyon.

At ang fallback: Gustong maging politiko na lang ng opisyal.

Kaya, sasali siya sa lokal, o national elections, para siguradong makapangyarihan siya kahit sino pa ang pumalit kay Duterte.

Nalaman ng inyong DPA, as in Deep Penetration Agent (DPA), na panay ang ikot ngayon ng Cabinet official sa iba’t ibang probinsya, lalo na sa Norte kung saan siya ipinanganak at nagkaisip.

Wala namang problema sa pag-ikot ng opisyal dahil sa kanyang puwesto sa ­gobyerno.

Kailangan talaga niyang puntahan ang mga ­probinsya dahil sa government projects.

Pero, ang ipinagtataka ng lahat ay bawat probinsya na pinupuntahan ng opisyal ay mayroon siyang iniiwasang mga tarpaulin na nagpapaalala sa mga tao na magsuot ng facemask, face shield, maghugas ng kamay at dumistansya ng hanggang dalawang metro ang bawat tao.

Bagamat may koordinasyon sa kanyang tanggapan ang Inter-Agency Task Force (IATF), walang direktang kinalaman si “Mr. Secretary” sa nasabing kampanya laban sa virus.

Ang malupit sa lahat ng pinakamalupit, hindi sa ­national language ng Pinoy na Tagalog isinulat ang mga paalala ni Mr. Secretary sa mga tao laban sa COVID-19, kundi sa local dialect ng mga residente ng mga probinsya.

Pero, ang talagang mas malupit sa pinakamalupit, mas malaki ang mukha ni Mr. ­Secretary sa mga letra ng kanyang paalala sa mga tao, kaya ang unang makikita ay ang kanyang mukha.

Pangalawa na lamang ang nakasulat sa tarpaulin.

Kung near sited ka, hindi mo mababasa ang mensahe ni Mr. Secretary.

Pero, malinaw na ­malinaw mong maaaninag ang kanyang malaking mukha, kaya ang tanong, tatakbo ba s’ya sa eleksyon?

Halos lahat ng bayan ay may tarpaulin si Mr. Secretary, kahit isang lugar lang ang pinuntahan niya.

Ngayon lang niya ito ginawa kahit maraming trahedyang nangyari.

Hindi lang malaman ng DPA kung ginagawa rin ito ni Mr. Secretary sa ibang panig ng bansa dahil kung ganito ang kanyang istilo ay tatakbo ito sa national elections.

Kung isang probinsya lang, tatakbo naman ito sa local elections.

Clue: Hindi masisisi si Mr. Secretary na maghanap ng power fallback dahil kapag ­naging presidente ang kanyang mortal na kaaway ay baka habulin siya.

Para makaiwas siya, kailangang magkroon siya ng puwesto na hindi siya basta-basta magagalaw.

Mayroon siyang inisyal na “T” as in Tatakbo ba s’ya?

323

Related posts

Leave a Comment