KAMAKAILAN, kinuha ng Presidential Anti-Corruption Commission (-PACC) ang Philippine National Police (PNP) upang makatuwang ng una ang huli sa paglaban at pagsugpo sa korapsyon.
Bago maganap ang panunumpa ni General Guillermo Lorenzo Eleazar, mayroong ipinalabas ng dalawang video kung saan nagpahayag sina Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ng kani-kanilang pahayag laban sa korapsyon.
Kauna-unawa na magpahayag si Duterte dahil pangulo siya ng Pilipinas.
Si Go ay senador, ngunit hindi siya ang pangulo ng Senado.
Katunayan, bagitong senador si Go dahil unang panalo niya sa halalan.
Kaya, ‘di maarok ng isipan ko ang batayan ng pagpasok ni Go sa aktibidad ng PACC at PNP.
Pokaragat na ‘yan!
Gayunpaman, idiniin ni Bong Go na patuloy sila ni Duterte sa paglaban at pagsugpo sa korapsyon para sa mga Filipino.
Natatandaan kong sinabi ni Duterte nitong nakaraang taon na maging kritiko si Bong Go ng administrasyon – na batikusin at ibunyag ng senador ang talamak na katiwalian at korapsyon.
Ngunit, hanggang ngayon ay walang isinisiwalat at binabanatang mga opisyal ng pamahalaan si Bong Go na posibleng sangkot sa korapsyon.
Pokaragat na ‘yan!
Hindi niya binibira ang Bureau of Immigration (BI) na napakasahol ng korapsyon.
Wala rin siyang banat sa Bureau of Customs (BOC) na hindi nabubura ang korapsyon.
Hindi tumulong si Go sa Senado upang malaman kung totoo ang ibinunyag ng magreretirong senador hinggil sa sindikato sa Department of Agriculture (DA) na bilyun-bilyong ang nakukulimbat na salapi sa importasyon ng karne.
Napakatahimik din ni Bong Go laban sa Department of Public Works and Highways (DPWH), samantalang mismong si Duterte na ang bumanat sa napakatalamak na korapsyon dito na pinamumunuan ni Secretary Mark Villar simula noong Hulyo, 2016.
Hindi ako makikipagdebate sa mga kawani ni Go sa Senado dahil walang dudang napakasipag ng bagitong senador sa paglalabas ng mga press statement, lalo na sa isyu ng kalusugan.
Bilang tagapangulo ng Senate Health Committee, hindi napakagtatakang naglalabas siya ng kanyang mga posisyon hinggil sa samu’t saring isyu sa kalusugan.
Ngunit, kahit isang beses ay hindi niya inilantad at binatikos ang korapsyon sa Department of Health (DOH).
Pokaragat na ‘yan!
Minsang inilabas ng isang senador na maraming sindikato raw sa DOH na matagal nang nangungulimbat ng pera ng kagawaran.
Hindi nga lang sinundan ng senador ang kanyang inihayag sa press statement.
Nang magsalita si Bong Go sa aktibidad ng PACC at PNP, wala siyang sinabi kay General Eleazar na ipatigil nito ang pagtanggap ng mga opisyal ng PNP ng pera mula sa mga gambling lord.
