NADAKIP ang walong sabungero sa ikinasang operasyon ng mga operatiba ng District Special Operation Unit ng Manila Police District sa isinasagawang tupada sa Aroma Compound, Barangay 105, Tondo, Manila, noong Martes ng umaga, habang ginugunita ang Araw ng Undas.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 (d) ng Presidential Decree 448 (Cockfighting Law of 1974) na inamiyendahan sa PD 1602 (illegal gambling) ang walong sabungero na pawang mga residente ng Aroma Compound at Vitas sa Tondo, Manila habang nag-iisa lamang ang residente ng Navotas City.
Batay sa ulat ni Police Major Rommel Purisima, hepe ng DSOU, bandang alas-10:30 ng umaga nang salakayin ng mga awtoridad ang nasabing lugar dahil sa isinasagawang tupada matapos makatanggap ng sumbong ang pulisya mula sa ilang concerned citizens.
Ayon kay Purisima, inakala ng mga sabungero na abala ang mga pulis sa pagbabantay sa seguridad ng mga tutungo sa sementeryo kaya libre sila sa huli, na sinamantala ng mga organizer at nagpatupada.
Nakumpiska mula sa mga arestado ang P4,260 halaga ng taya, mga gamit sa sabong, at mga sasabunging manok. (RENE CRISOSTOMO)
