NAMATAY habang inoobserbahan sa pinagdalhang ospital ang isang 26-anyos na lalaki nang magyabang ito habang lulan ng kanyang motorsiklo sa panulukan ng Quirino Avenue at Paz Street, Paco, Manila noong Miyerkoles ng madaling araw.
Kinilala ang biktimang si Ralph Rino, residente ng Malate, Manila.
Hindi naman nakilala ang kabanggaan nito na kapwa niya motorcycle rider.
Ayon sa ulat ni Police Executive Master Sergeant Jun-Jun Jasminez, OIC ng Vehicular Traffic Investigation Section, na pingangasiwaan ni Police Major Jaime Gonzales, Jr., hepe ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), bandang alas-3:18 ng madaling araw nang mangyari ang insidente.
Napag-alaman, mabilis umano ang takbo ng biktima at ipinagyabang ang galing nito sa pagpapatakbo ng kanyang motorsiklo sa pamamagitan ng pagpapagewang-gewang nito sa kanyang sasakyan.
Ngunit hindi nito naiwasan ang kasalubong na isa ring motorsiklo na nagresulta sa kanilang banggaan.
Bunsod nito, nawala sa kontrol ng biktima ang kanyang motorsiklo na humampas sa center island.
Mabilis namang nagresponde ang ambulansya ng Bureau of Fire Protection (BFP) ngunit wala nang buhay ang biktima nang datnan nito.
(RENE CRISOSTOMO)
