NAKABUBUWISIT NA ANG ILIGALIDAD SA NAIA

WALANG sinumang makatatangging isa ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na dinaraan ng ilegal na droga papasok sa ating bansa.

Kahit mabagsik, matapang at kontra sa droga si Pangulong ­Rodrigo Duterte ay hindi pa rin tuluyang nasasawata ang pagpasok ng ilegal na droga sa NAIA.

Mayroon namang nahuhuli ang mga pulis sa NAIA na mga taong may kinalaman sa pagpapadala ng droga.

Ang ipinagtataka ko, patuloy pa ring ipinapadaan ang droga sa NAIA kahit nababalitan nilang nasusukol ang kanilang mga tauhan.

Mayroon bang palakasan sa loob ng NAIA?

O, mayroong hindi nabibiyayaan ng ‘grasya’, o totoong mayroon ding piling opisyal at pulis sa NAIA na tapat at seryosong kalaban ng ilegal na droga?

Ang isa pang ilegal sa NAIA ay ang human trafficking.

Hanggang ngayon ay mayroong mga Filipino na biktima ng human trafficking.

Sa pamamagitan ng pambansang paliparan ay ‘nakalulusot’ ang mga babaeng dadalhin sa iba’t ibang parte ng mundo.

Syempre malakihan ang padulas dito dahil tao na hindi kumpleto ang mga dokumento ay palalabasin ng bansa.

Imposibleng wala, tapos ang mga banyaga tulad ng mga Intsik na dumaraan sa NAIA ay nagbabayad ng limang libo pataas makapasok lang nang malaya sa minamahal nating Pilipinas?!

Nabunyag sa publiko ang binansagang “Pastillas Scam” ng ilang opisyal at mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) na pinagbabayad nila ang mga pumapasok na Intsik sa NAIA ng P5,000 pataas.

Mapamaraan din ang mga korap dahil ipinapabalot nila sa papel na katulad ng pambalot sa pastilyas ang perang ibibigay sa kanila ng mga Intsik.

Mabuti na lang mayroong immigration officer na naglakas-loob na isumbong sa isang senador ang kademonyohang nagaganap sa NAIA-BI mula 2017.

Sa kasalukuyan ay patuloy pa rin iniimbestigahan ang pandarambong na ito dahil hindi pa natumbok ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga “utak” at “protektor” ng sindikatong pastilyas.

Inaalam pa rin ng mga imbestigador ng NBI kung sino ang sinasabing ‘point man’ ng Pastillas Gang sa Office of the Ombudsman.

Ang taong ito raw ang magbabasura at mag-aabsuwelto sa mga opisyal at kawani ng BI na sasampahan ng kasong katiwalian at korapsyon sa Office of the Ombudsman.

Makalulusot pa rin kahit kumita at nagpasasa sila sa bilyun-bilyong perang kinita sa Pastillas Iskam mula 2017.

Nabunyag sa Senado na P10 bilyon ang pumasok na salapi sa ilang opisyal ng BI mula sa ginamit ng mga dayuhan na visa upon arrival (VUA).

Umabot naman sa P30 bilyon ang kinita ng Pastillas Gang mula sa mga Intsik na walang VUA, ayon pa rin sa nabunyag sa Senado.

Unawain ninyong mabuti na ang mga nagbibigay ng suhol ay mamamayan ng People’s Republic of China (PRC).

Ang PRC ay pinamumunuan at pinangangasiwaan ng Chinese Communist Party (CCP) mula noong Oktubre 1949.

Mahigit nang 71 taong pinaiiral ang sistema ng mga komunista sa China, ngunit hanggang ngayon hindi natibag ang korapsyon sa PRC.

Ang masama nito ay batang mamamayan ng PRC ang napakalalakas ng loob na sinunggaban at tinapatan ang korapsyong inimbento ng mga korap sa BI.

Hindi pa tapos ang imbestigasyon tungkol sa pastilyas iskam na ito, subalit mayroon na namang panibagong iligalidad sa NAIA.

Pokaragat na ‘yan!

Mayroong mga bataan si satanas na P20,000 ang sinisingil sa mga overseas Filipino worker (OFW) gustong napakabilis makuha ang resulta ng coronavirus ­disease 2019 (COVID-19) swab test.

Tinalo nito ang presyo ng ­Philippine Red Cross (PRC) na pinamumunuan ni Senador ­Richard Gordon na P3,500 na dalawa hanggang ikatlong araw makukuha ang resulta ng swab test.

Pokaragat na yan!

Sobra namang kapal ng mukha at sikmura ng mga nakatuklas ng P20,000 presyo ng swab test.

Nakabubuwisit na ang iligalidad na nagaganap sa NAIA.

Hindi na nga matigil-tigil, lalo pang lumalala.

Ano kaya ang susunod na ilegal na raket sa NAIA?

Abangan natin.

106

Related posts

Leave a Comment