CLICKBAIT ni JO BARLIZO
NAPAPAIYAK ka rin ba kapag naghihiwa ng sibuyas? Sa paghiwa pa lang, iyak ka na. Pero sa mga magsasaka, humahagulgol na sila kapag sibuyas ang pinag-uusapan.
Kahit nga hindi magsasaka ay aatungal sa desisyon ng Department of Agriculture na payagan ang mas maraming aangkating sibuyas sa panahon ng anihan.
Payag ba naman ang DA na mang-angkat ng 3,000 metric tons ng pulang sibuyas at 1,000 metric tons ng puting sibuyas na inaasahang darating sa susunod na dalawang linggo.
Paliwanag ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., maiiwasan daw nito ang mga mapagsamantalang mangangalakal na itaas ang presyo, gaya ng nangyari noong 2022.
‘Yan ang tunay na dahilan?
Sabi nga ni Jayson Cainglet, executive director ng Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG, natakot ang mga magsasaka sa desisyon ng DA.
Dahil sa takot, hayon maraming nag-ani ng sibuyas kahit hindi pa panahon para mahabol ang magandang presyo.
Sa kasagsagan ng anihan, importasyon ang kailangan?
Nubayan? Kung ayaw ng mga opisyal na maghiwa ng sibuyas dahil malamang maiyak, baka naman kahit silipin man lang ang mga nagbubungkal nang makita ang tunay na sitwasyon at kondisyon.
Duda tuloy ang iba sa rason ng DA na maging matatag ang presyuhan ng sibuyas at maudlot ang mga ganid na negosyante na maitaas ang presyo nito.
Siya, angkat kung angkat, pero sana ay iimbak muna ang mga inaangkat nang mabigyan ang mga magsasaka ng tiyempong kumita naman.
Natural na babaratin sa presyuhan ang mga magsasaka kapag may paparating na inangkat.
Kumikita ang trader. Dapa naman sa pagod ang mga magsasaka. Pagod, ngunit kapiranggot ang kinita, o mas malala, lugi pa.
Kumikita rin ang mga importer. ‘Yung mga magsasaka ay lupaypay na sa kabubungkal ng lupa ay walang gaanong napapalang biyaya dahil kulang o baka wala, ang proteksyong binibigay ng pamahalaan.
Tangkilikin muna ang sariling produkto kaysa dayo dapat ang ibandilyo ng rumerenda ng agrikultura.
Kaya hindi na nakagugulat na 43 porsyento ng mga Pilipino ang hindi nagbago ang uri ng kanilang pamumuhay kaysa noong nakaraang 12 buwan.
Ayon ito sa pinakabagong survey ng Stratbase at Social Weather Stations (SWS).
Kapareho pa rin ng dati. Walang pagbabago. Sabagay, medyo mas mainam na ang kapareho ng dati ang pamumuhay kung ikukumpara sa mas masama kaysa noon.
Nasa 25 bahagdan ng mga Pilipino ang nagsabing mas masama ang uri ng kanilang pamumuhay ngayon.
Diyosmiyo!
Lumala pa. Hindi kinayang tapalan ng mga ayuda.
‘Di bale na raw, 32 porsyento naman ang mas mabuti ang uri ng kasalukuyang pamumuhay kaysa noon.
‘Yung sa lumala ang nakakaiyak. Hindi na kailangang humiwa ng sibuyas.
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)