NAGPOSITIBO sa paggamit ng ilegal na droga ang driver ng pampasaherong jeep na nakasagasa ng tumatawid na mga estudyante sa JP Rizal St. sa Makati City noong Huwebes.
Bukod sa pagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga, wala ring driver’s license na dala ang driver na si Crizalde Tamparo dahil bago ang insidente noong Huwebes ay nahuli na siya at naka-aksidente rin kaya kumpiskado ang kanyang lisensya.
Bagama’t nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga sa unang test, sinabi ni Makati police chief, Col. Rogelio Simon na isasailalim pa ang driver na si Tamparo sa confirmatory testing.
Magugunitang isang 14-anyos na estudyante ang binawian ng buhay habang anim pa ang sugatan sa naturang insidente.
Bunsod nito, mahaharap sa patong-patong na kaso ang driver ng jeep.
Samantala, ipinag-utos ni Makati City Mayor Abby Binay ang paghahanap sa operator ng jeep kasunod ng paghiling sa LTFRB na suspindihin ang prangkisa nito. (DAVE MEDINA)
