CAVITE – Sugatan ang isang 40-anyos na driver makaraang paluin ng tubo sa ulo ng kanyang helper habang nagtatalo hinggil sa kanilang trabaho sa bayan ng Tanza sa lalawigang ito, noong Martes ng madaling araw.
Nilalapatan ng lunas sa Tanza Specialist Hospital ang biktimang si alyas “Jerry”, binata, driver, dahil sa sugat sa ulo habang naaresto naman ang suspek na si alyas “Ivan”, 21, binata, helper, kapwa residente ng Brgy. Mulawin, Tanza, Cavite.
Ayon sa ulat, dakong alas-3:30 ng madaling araw nang kausapin umano ng biktima ang suspek hinggil sa dibisyon ng kanilang mga trabaho sa Brgy. Mulawin.
Ngunit tila hindi sumang-ayon ang suspek dahilan ng kanilang pagtatalo hanggang sa kumuha ito ng tubo at pinagpapalo sa ulo ang biktima.
Agad namang naaresto ang suspek ng nagrespondeng mga awtoridad.
(SIGFRED ADSUARA)
147