UMUGONG sa Kamara ang usap-usapan na maghahain ng leave of absence si House Speaker Martin Romualdez sa gitna ng lumalalang kontrobersya sa flood control projects.
Mistulang nagmadali kahapon ang liderato ng Mababang Kapulungan na i-adjourn ang session matapos magbanta si Dasmariñas City, Cavite Rep. Francis “Kiko” Barzaga na ipadeklarang “all seats vacant,” kabilang na ang Speakership.
Ayon sa ilang miyembro ng majority bloc, isa umano sa pinag-uusapan sa loob ng Kamara ang posibilidad na mag-leave si Romualdez dahil sa pagkakadawit ng kanyang pangalan sa isyu ng flood control scam.
“Pinag-uusapan dito na mukhang magli-leave of absence na si Speaker,” pahayag ng isang kongresistang tumangging magpakilala.
Sakaling matuloy, si Deputy Speaker at Isabela Rep. Faustino “Bojie” Dy umano ang nakikitang papalit bilang “acting Speaker” sa pamamagitan ng botohan sa plenaryo.
Pero para kay Navotas Rep. Toby Tiangco, maling hakbang kung leave lang ang gagawin ng Speaker.
“Magli-leave ka ngayon, babalik bukas? Parang nagpapalamig lang. Hindi tatanggapin ng tao ‘yon,” ani Tiangco.
Giit pa ni Tiangco, walang salitang “leave of absence” sa House Rules—kundi “absence” o “temporary incapacity” lamang. Tumanggi naman siyang sagutin kung mas mainam na magbitiw na lang sa pwesto si Romualdez.
(BERNARD TAGUINOD)
325
