MAGUINDANAO – Apat na mga nag-a-apply sa pagkapulis ang kinasuhan ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PRO-BARMM) matapos na pekein ng mga ito ang kanilang reverse transcription-polymerase chain reaction (RT–PCR) test result sa Maguindanao, iniulat kahapon.
Ayon kay PRO-BARMM Brigadier General Eden Ugale, bukod sa apat na police applicants, kasama rin sa kinasuhan ang dalawang sibilyan na kasabwat umano sa pagbuo ng pekeng RT-PCR o swab test results.
Ang dalawang sibilyan na kasabwat sa paggawa ng fake RT-PCR test results para sa apat na mga police applicant ay kinilalang sina Jalal Adiong at Abdullah Oga.
Ang kasong falsification of public documents ay inihain sa Maguindanao Provincial Prosecutor Office laban sa mga akusado.
May 66 na PNP applicants sa BARMM na ang RT-PCR test results ay kaduda-duda kaya’t isinailalim sa imbestigasyon at pagsusuri.
Lumabas na apat sa 66 na aplikante ay nagsumite ng fake swab test results. Ang tatlo sa kanila ay nakakulong na habang ang pang-apat na police applicant ay nagpositibo sa COVID-19 at ngayon ay nasa Parang District Hospital Quarantine Facility.
Sinabi ni Gen. Ugale, alinsunod sa direktiba ni PNP Director Gen. Guillermo Eleazar, dapat patas at malinis ang recruitment process. Wala ring padrino-padrino bilang bahagi ng reporma. (BONG PAULO)
