Nanalong bidder sa QC P1.3-B e-tablets project, secret pa rin? P290-M OVERPRICED NG PANDEMIC MAFIA

MAHIGIT isang linggo makalipas ang ginawang public bidding ng bids and awards committee (BAC) ng Quezon City ay tikom pa rin ang bibig ng mga kinatawan ng lungsod kung ano o sinong
kumpanya ang nanalo para sa kontrata ng e-tablets na gagamitin ng mga mag-aaral ng lungsod na nagkakahalaga ng higit kumulang P1.3 bilyon.

Naghain ng motion for reconsideration (MR) ang natalong bidder sa ginawang public bidding noong ika-11 ng Agosto, tugon ito ni Rowena “Weng” Macatao, chief of staff ni Mayor Joy Belmonte at chairperson ng QC BAC sa isang panayam ng PeryodikoFilipino, Inc. (PFI).

Hindi binanggit ni Macatao kung ano ang nilalaman ng MR at kung anong pangalan ng natalong kumpanya na naghain nito, sa halip ay itinuro ang PFI sa isang Atty. Dominic Garcia upang tumugon sa mga katanungan hinggil sa bilyon pisong halaga ng proyektong tila nababalot ng hiwaga.

Tikom naman si Atty. Garcia nang tanungin kung sino ang nanalong bidder at hindi nagpaunlak ng panayam o nagbigay ng anomang dokumento na may kinalaman sa naganap na public bidding
maging kung ano ang brand ng tablets na isu-supply sa lungsod at kung magkano o may sapat na pondo ba ang nanalong bidder base sa net financial contracting capacity (NFCC) nito.

Taliwas naman ito sa totoong naganap noong bidding, ayon sa insider na dumulog sa PFI dahil isang kumpanya lang umano ang nagsumite ng eligibility at bid envelopes at wala namang nakitang
pagkukulang ang BAC base sa mga dokumentong sinumite nito at binuksan noong araw ng bidding na naging dahilan upang ideklarang panalo ang naturang solo qualified bidder.

Ayon pa sa bidding insider, ang hindi pagbibigay ng minutes of the bid opening ay labag sa procurement law at ang resulta ay dapat isinasapubliko sa loob lang ng tatlong (3) araw mula nang
maganap ang isang public bidding kung totoong transparent, walang aregluhang naganap at hindi ito isang moro-moro lang.

Kutob ng bidding insider ay napasubo ang QC BAC na ituloy ang bidding dahil sa pamimilit ng tinaguriang pandemic mafia kahit na may alingasngas na sa simula pa lang na hindi naman
qualified ang minamanok nitong kumpanya at walang kakayahang pinansyal para magampanan ang bilyong pisong distance learning project ng Quezon City.

“Nangangamoy korapsyon. Kahit anong tangkang paglilinis o retoke ang gawin ng BAC at pandemic mafia ay patuloy kaming magbabantay at titiyakin namin na makasuhan ang lahat ng may
kinalaman sa napipintong panghaharbat sa bilyong pisong taxpayers money,” diin ng bidding insider.

Kung itutuloy ang e-tablets project ng Quezon City, ito na umano ang pinakamahal na distance learning sa buong National Capital Region (NCR) dahil magiging overpriced umano ito ng higit
kumulang sa halagang P290 million kung ikukumpara sa lahat ng lungsod sa NCR. (PFI REPORTORIAL TEAM)

214

Related posts

Leave a Comment