NANAPAK NA LASING IDINIRETSO SA PRESINTO

BAGSAK sa kulungan ang isang lasing na mason matapos magwala, manapak at manlaban sa aarestong barangay security officers (BSO) sa Valenzuela City noong Lunes ng gabi.

Nahaharap sa kasong alarms and scandals, resisting arrest at physical injuries ang suspek na kinilalang si Rafael Arguelles, 49, mason, ng #75 Cayetano St., Brgy. Karuhatan sa nabanggit na lungsod.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, alas-10:00 ng gabi nang magresponde ang mga tauhan ng BSO na sina Edrew Marcelo at Bienvenido Alinsub Jr. dahil sa kaguluhan sa Concepcion Compound sa Karuhatan.

Naabutan ng mga ito ang nagwawalang lasing na suspek at hinahamon ng away ang kanyang mga kapitbahay.

Nang aarestuhin ay nabaling sa mga tauhan ng BSO ang galit ng suspek at sinapak si Marcelo.

Agad nilang pinosasan ang suspek at dinala sa barangay hall para sa proper documentation.

Habang nasa loob ng barangay hall ng Karuhatan, humingi ng pahintulot ang suspek kung maaari siyang umihi at nang tanggalin ang kanyang posas ay bigla na lamang nitong sinapak sa ulo si Patrick Doon, 22, isang barangay helper.

Bunsod nito, napilitan ang mga tanod na dalhin ang suspek sa himpilan ng pulisya. (FRANCIS SORIANO)

258

Related posts

Leave a Comment