NANAY IPINATATALAGA SA IATF

UMAPELA si Senador Imee Marcos sa pamahalaan na seryosong ikonsidera ang pagtatalaga ng isang nanay na ordinaryong maybahay sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) o magtayo ng special committee na pamumunuan ng isang ina para suriin ang epekto ng COVID-19 sa mga kababaihan.

“Ang bagong paraan ng ‘blended education’ ay kapwa matinding hamon sa mga sistema sa eskwelahan at mga pamilya. Ang nanay ang sentro o pumapagitna sa lahat ng ito. Napakaraming malulupit at iba’t ibang epekto ng pandemya sa mga kababaihan,” ayon kay Marcos.

Aniya, malaking tulong ang maibibigay ng mga ina ng tahanan kung kaya’t dapat lang na may nakaupo sa mga ito sa IATF.

“Kailangan natin ng isang maabilidad na nanay para makaagapay sa pandemya. Ang isang programang pautang para sa tablet o ang suporta para sa hulugan na mga gadget ang maiisip na remedyo kung may nanay na nakaupo sa IATF,” giit pa nito.

“Ang isang nanay ay nakapaglagay na sana ng mga community-based tutoring pools para hawakan ang maliliit na grupo ng mga bata o kaya’y bubuksan ang mga kalsada at mga auditorium at mas maraming handwashing facility para magamit ng mga pamilya. Pero sa halip, inaaresto natin ang mga tao dahil sa paglabag sa mga quarantine. Saang lugar ihihiwalay ang mga ito sa masikip at depressed area?” tanong ni Marcos.

Sinabi pa ng senador, ginagampanan na rin ng mga babae ang papel ng mga caregiver na walang katapat na kabayaran kapag nagkaroon ng kapansanan o malalang sakit ang sinuman sa miyembro ng kanilang pamilya.

“Hindi masusukat ang pagbubuwis ng kalusugan ng mga health worker, kung saan 70% sa mga ito’y mga babae,” ani Marcos.

Dagdag ni Marcos, ang mas mahabang oras ng mga palengke at mas maraming rolling stores ang magbibigay sa mga kababaihan, lalo ang mga single na nanay, ng sapat na oras at panahon para asikasuhin ang trabaho, gawain sa bahay at pag-aalaga sa anak.

Bagama’t kinikilala sa buong mundo ang potensyal na kakayahang pang ekonomiya ng mga kababaihan sa micro-businesses at MSEs, iginiit ni Marcos na napipigilan pa rin ito ng limitadong access sa mga programang pautang, dahil kadalasan sa mga titulo ng ari-arian na kailangan bilang collateral ay nakapangalan sa kanilang asawa.

“Ang isang nanay na nasa IATF ay mas magiging abala sa mga opisyal na ulat na may kaugnayan sa mga kababaihan, halimbawa ay ang inilabas na impormasyon ng Philippine National Police na bumaba ang bilang ng karahasan sa mga kababaihan at kabataan,” ayon pa rito.

Naaawa aniya ito kay Department of Education (DepEd) Secretary Briones na tambak ang trabaho dahil sa makabagong paraan ng pagtuturo gayundin kay Department of Tourism (DOT) Sec. Berna Puyat dahil dito makaagapay ang sektor ng turismo. (NOEL ABUEL)

136

Related posts

Leave a Comment