NANGANGAMOY LOCKDOWN

AMININ man o hindi ng Palasyo, pinag-uusapan na ngayon ng Pangulo at mga kinatawan mula sa iba’t ibang departamento ang muling pagpapatupad ng isang hard lockdown sa hangaring pigilan ang pagtaas ng bilang ng mga positibo sa bawat araw na nagdaraan.

Bagama’t angkop ang dahilan, may mga bagay na dapat munang sagutin ang pamahalaan. May sapat bang salapi ang ­gobyerno para matustusan ang mga panga­ngailangan ng mga pamilyang muling ­masasadlak sa gutom dulot ng tigil-hanapbuhay?

Kung babalikan ang nakaraan, ang tanging kaya ng gobyerno ay bigyan ang mga mamamayan ng ayudang panandalian. Ang masaklap, may bahid alinlangan sa pamamahagi ng ayudang sukdulang pagkakitaan ng mga tiwaling pinagkakatiwalaan sa pamahalaan.

Paano ang mga negosyo?

Ang totoo, wala naman naidudulot na buti sa mga ­kapitalista ang tigil-operasyon ng kanilang kabuhayan, sa paniwalang lahat ng ­negosyante ay mayaman.

Sa plano ng ­gobyernong ibalik ang mahigpit na ­lockdown, higit na dapat pagtuunan ang mass ­testing upang matukoy ang mga ­dapat malunasan nang sa gayon ay ‘di na makahawa pa ng iba at ang pagbaba­kuna kontra sa lintek na pandemya.

Ang pambansang eko-nomiya? Matagal nang lugmok ‘yan kasi naman walang humpay ang nakawan ng mga nasa pamahalaan.

Ang tanong hanggang ­kailan ba tatagal ang lockdown?

Pangamba ng marami, mahaba-habang panahon na naman ang bubunuin ng sambayanan sa lockdown na pinalalawig lamang sa kada dalawang linggo tulad ng ginawa nitong mga nakaraan –

bagay na nakakabahala lalo pa’t nalalapit na ang halalan.

 

Sa labas ng Palasyo, ­usap-usapan din ang umano’y pagpapaliban ng halalan, bagay na una nang nilinaw at itinanggi ng Commission on Elections (Comelec) na nagsabing – hoy, bawal yan!

Sa totoo lang, tayong nasa ilalim lang ang nangangamba. Palibhasa hindi naranasan ang pakiramdam ng kumukulong sikmura.

‘Pag dumaing naman ang mamamayan, isasagot lang ng Pangulo – wala nang pera ang pamahalaan. Pero sa eleksyon, sako-sakong pera ang kanyang ipinagyayabang para sa mga kandidatong

kanyang binasbasan.

(Si Fernan Angeles ay ­editor-at-large ng SAKSI Ngayon)

240

Related posts

Leave a Comment