MARAMING naniniwala na nanganganib na ang Taiwan sa China dahil nakita na kung gaano kabagal ang Amerika at mga organisasyon sa mundo tulad ng United Nations (UN), sa pagtugon sa problema sa Ukraine.
Noon pa man, plano na ng China na kunin muli ang Taiwan at isailalim sa Communist Party ni Chinese President Xi Jinping at tila naghihintay lang sila ng oras para isagawa ito.
Sabi nga ng China, kukunin nila ang Taiwan kahit sa anong paraan at ‘yung oras na inaantay nila, mukhang dumating na dahil nakita ng China kung gaano kabagal ang Amerika at UN sa pagkilos.
Alam ng North Atlantic Treaty Organization (NATO) na kinabibilangan ng Amerika, na aatakehin ng Russia ang Ukraine dahil hindi naman isang araw itong pinaghandaan ni Russian President Vladimir Putin.
Tinangka naman nilang pigilan sa pamamagitan ng diplomasya ang Russia pero hindi sila umubra sa tigas ni Putin na pinalusob ang kanyang puwersa at tila nag-iisang nakikipaglaban ngayon ang Ukraine.
Hindi tuloy maiwasang magdamdam si Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy dahil ang inaasahan niyang tulong mula sa mga kaalyado niya ay hindi dumating agad gayung alam nilang lulusob na ang Russia.
Nakakita tuloy ng ideya ang China na puwede nilang atakehin na ang Taiwan nang walang sagabal mula sa international community lalo na sa Amerika na nangakong ipagtatanggol nila ang Chinese Taipei.
Maaaring ipagtatanggol ng Amerika ang Taiwan pero kapag kasing bagal ng kilos nila sa Ukraine ang mangyayari, baka nasakop na ng China ang Taipei bago dumating ang tulong nila.
Nangako rin ang Amerika na hindi papabayaan ang Ukraine pero anong nangyari? Nakapasok nang walang kahirap-hirap ang puwersa ni Putin at marami na ang nasira at namatay pero wala pang tulong mula sa NATO.
Saka may laman ang pahayag ng tagapagsalita ng China. Ganyan (Ukraine invasion) ang nangyayari kapag ang isang malaking bansa ay pilit na idinidiin sa pader ng ibang bansa.
Tulad ng China, napakalaking bansa ang Russia at katulad nila, superpower ang Russo pagdating sa military might at magkaalyado ang dalawang bansang ito.
Huwag ding asahan ang UN dahil lagi silang late kung umaksyon. Reactionary lang ang UN. Nandyan lang sila kapag may nangyari na. Saka lang sila aaksyon kapag marami na ang nadisgrasya.
Saka tandaan n’yo, may veto power ang China sa UN kaya anumang aksyon ng organisasyong ito ng mundo, alang mangyayari dahil haharangin at haharangin ‘yan ni Xi Jinping.
Tingnan n’yo ang nangyari sa isang resolusyon ng UN na tinangkang ipasa para kondenahin ang Russia aggression, naharang ng bata ni Putin dahil tulad ng China, meron silang veto power.
Huwag sanang ipahintulot ng Diyos, pero sa nangyayari ngayon sa Ukraine, baka ang susunod na maging biktima ng superpower ay ang Taiwan at apektado ang Pilipinas kapag nagkataon dahil maaaring sakupin ng China ang teritoryo natin sa Pacific Ocean.
264
