SWAK sa kulungan ang magkapatid makaraang pagtulungang bugbugin at saksakin ang isang 24-anyos na tricycle driver na nanutok sa kanila ng pekeng baril sa Sampaloc, Manila noong Lunes ng gabi.
Nakakulong na sa Manila Police District-Station 3 ang mga suspek na sina Ruiz Pinlac y Delgado, 33, at Wilmar, 35, kapwa residente sa #827 Masbate St., Sampaloc, Manila, nahaharap sa kasong frustrated murder.
Naghain naman ng counter complaint ang magkapatid na suspek sa biktimang si Jonnel Montalbo, ng 620 Altura St., Sampaloc, nilalapatan ng lunas sa Jose Reyes Memorial Medical Center. Ito ay dahil sa pagbabanta sa kanila ng biktima gamit ang replikang baril.
Si Montalbo ay sinampahan ng magkapatid ng kasong frustrated murder, physical injuries at paglabag sa RA10591 Art. V, Section 35, dahil sa paggamit ng replikang baril, at pagbabanta.
Batay sa ulat na nakarating kay P/Lt. Col. Arthur Baybayan, station commander ng MPD-Sampaloc Police Station 4, bandang alas-10:45 ng gabi nang mangyari ang insidente sa Masbate St. malapit sa Mindanao St., sa Sampaloc.
Sa review sa CCTV footage sa lugar, nakitang naglalakad ang nakatatandang Pinlac nang hintuan ng tricycle na may kasamang nakaangkas at tinutukan ito ng baril.
Namataan naman ng nakababatang Pinlac ang insidente na nagresulta sa kaguluhan.
Kuhang-kuha din sa CCTV nang undayan ng saksak si Montalbo ng magkapatid at pito pang kalalakihan.
Napag-alaman din na unang humingi ng tulong ang magkapatid dahil sa umano’y panunutok ng baril at pagbabanta ni Montalbo hanggang madiskubreng replika ang bitbit na baril ng biktima. (RENE CRISOSTOMO)
588
