KASONG kriminal at administratibo ang nakatakdang isampa laban sa isang mataas na opisyal ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) bunsod ng pagsisiwalat ng Commission on Audit hinggil sa pagbili ng nasabing tanggapan ng mga overpriced na disposable napkin sa isang hardware sa Pasay City.
Mismong si OWWA Administrator Hans Leo Cacdac ang naglaglag sa bulilyasong transaksyon na pinangasiwaan umano ng kanyang deputy administrator Faustino Sabares III, na kanyang itinalaga para mamuno sa operasyon ng nasabing tanggapan mula Marso hanggang Hunyo ng nakaraang taon.
Sa pagtatala ng COA, bukod sa over-priced ang mga nasabing personal hygiene supply, lumalabas ding walang ganoong establisimyento sa address na nakatala sa resibong ginamit sa liquidation ng nasabing transaksyon.
Ani Cacdac, si Sabares ang namuno sa kanilang ‘enhanced community quarantine operations’ mula Marso hanggang Hunyo 2020.
Pag-amin ni Cacdac, binigyan nila ang nasabing opisyal ng ‘cash on hand’ para maging mabilis ang pagbili ng mga suplay kontra COVID-19 tulad ng PPEs, pagkain, hygiene kits at iba pa.
Gayunpaman, iginiit ni Cacdac na hindi pa pinal ang audit report kaugnay ng P1.2 milyong halaga ng biniling items, bunsod na din ng palugit na ibinigay ng COA sa kanilang ahensya para magpaliwanag o i-apela ang pagtutuos ng state auditors.
Bukod sa sanitary napkins, kabilang din ang iba pang hygiene kits at thermal scanners sa mga binili ng OWWA mula sa isang RCJP Construction and Trading na may address sa Cornejo Street, Malibay, Barangay 161, Pasay City.
Personal na tinungo ng mga state auditors ang nasabing address at lumalabas sa kanilang post inspection report na walang ganong establisimyento sa naturang address.
Sinabi pa ni Cacdac na nagbigay pa nga ang COA ng “unqualified opinion” sa paggamit nila ng tinatayang P9 bilyong pondo 2020. (RENE CRISOSTOMO)
