(FERNAN ANGELES)
LUMUTANG ang maraming katanungan sa pagdinig sa Senado kaugnay ng alingasngas na kinasasangkutan ng umano’y malapit na kaibigan ni Senador Bong Go.
Kabilang na rito ang kaugnayan ng senador sa kontrobersyal na overpriced face mask at face shield na binili umano Department of Budget and Management procurement service (DBM-PS) office na noo’y pinamumunuan ni DBM Undersecretary Christopher Lloyd Lao.
Si Lao na dati ring aide ni Sen. Go ay hindi na umano mahagilap ngayon ngunit plano ng Senado na ipatawag ito sa susunod na pagdinig upang magbigay-linaw sa kontrobersya.
Bagong kontrobersya
Hindi pa man natatapos ang kontrobersya hinggil sa maling paggamit ng P67.3-bilyong pondo ng Department of Health, muling nalagay sa balag ng alanganin ang administrasyon makaraang masilip naman ang isang “extremely overpriced deal” kaugnay ng pagbili ng gobyerno ng P42.4 bilyong halaga ng face masks at face shields.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng pagsusuri ng Commission on Audit (COA), lumalabas na ginamit ng DBM ang P42.4 bilyong pondo ng Department of Health sa pagbili ng mga medical logistics na kailangan ng gobyerno sa pagtugon sa COVID-19 pandemic nito lamang nakaraang taon.
Gayunpaman, lubhang nabahala ang COA sa presyong katumbas ng mga face mask at face shields na binili ng DBM procurement service office sa panahon ni Lao na pinaniniwalaang nagbitiw sa pwesto noong Hunyo bunsod na rin ng isang liham mula sa COA na humihingi ng paliwanag hinggil sa P42.4 bilyong transaksyon.
Sa nasabing pagdinig, iginisa ng mga senador si DBM Acting Secretary Tina Rose Canda, kasabay ng tanong kung sino ang nangasiwa sa procurement ng mga nasabing suplay.
Ani Canda, si Lao ang siyang nangasiwa sa malalaking procurement deals noong siya’y hindi pa nagbibitiw sa kanilang kagawaran.
Lumutang din sa nasabing pagdinig na ang nagbitiw na si Lao ay malapit na kaibigan ng isa pang mambabatas na kilalang malapit sa Palasyo – si Senador Bong Go.
Lumalabas sa COA report na bumili ang DBM-PS ng mahigit 113, 905,000 piraso ng face masks mula sa iba’t ibang supplier sa presyong higit na mahal kaysa itinakdang suggested retail price. Ayon sa COA, nagbayad ang gobyerno ng P27.72 kada piraso ng facemask – malayo sa P2 hanggang P5 price cap na pinatutupad ng DOH.
Unang nakaladkad ang pangalan ni Lao taong 2017 kaugnay ng kontrobersyal na P15.5-billion frigate deal ng Department of National Defense.
Lao ang missing link
Samantala, hiniling ni Senate Minority Leader Franklin Drilon kay dating Undersecretary Lloyd Christopher Lao na dumalo sa isinasagawang pagdinig ng Blue Ribbon Commission sa overpricing ng face masks at face shield na binili ng kanyang tanggapan noong siya’y bahagi pa ng DBM.
Sa pahayag, sinabi ni Drilon na posibleng “missing link” si Lao sa natuklasan ng Commission on Audit hinggil sa pagbili ng face mask, face shield at iba pang medical supplies.
“He leaves behind him so many questionable transactions which we will dig into. We will not leave any stone unturned in uncovering what could be a possible overpricing in procurement service,” ayon kay Drilon sa isang panayam.
Dating hepe si Lao ng procurement service ng DBM na kung saan inilipat ang aabot sa P42 bilyong pondo ng DOH na kinukuwestiyon ng COA dahil sa kakulangan ng dokumento.
“Who is the official who directed the transfer of P42 billion? Is this done as a matter of course or is this the first time it was done? It is something unusual. A government official would be afraid to do this unless directed by somebody higher. This is what I want to find out,” saad ni Drilon.
Aniya, tahimik na nagbitiw sa tungkulin si Lao nito lamang Hunyo.
“If there was overpricing, Lao should satisfactorily explain, otherwise he might be made responsible. We are not talking here of small money,” giit ng senador kasabay ng birit na kumbinsido siyang may overpricing sa pagbili ng facemask sa halagang P1 bilyon.
Gamit ang COA report, sinabi ni Drilon na bumili ng DBM-PS ng mahigit 113, 905,000 piraso ng face masks mula sa iba’t-ibang supplier sa halagang P27.72 kada piraso na lubhang mas mataas sa itinakdang suggested retail price na ipinalabas ng DOH na P2 hanggang P5 lamang kada piraso.
Giit pa niya, gumastos ang pamahalaan ng halagang P1.66 bilyon sa kabuuang sa pagbili ng face mask lamang. Pero, kung ikukumpara sa suggested retail price ng DOH, aabot lamang ito sa halagang P569.52 milyon.
Naunang kinumpirma ni Senador Richard Gordon, chairman ng Philippine Red Cross sa pagdinig ng Blue Ribbon na nakabili sila ng face mask na nagkakahalagang P5 kada piraso sa unang bahagi ng pandemya.
Hinala ni Drilon, aabot sa P100 milyon ang overpricing sa pagbili ng face shields lamang.
“Based on the COA report, the DBM-PS purchased 1,317,711 pieces of face shields at P120 each or for a sum of P158.13 million. However, the DOH’s suggested retail price for a face shield is anywhere between P26 to P50 per piece only, far from P120. Following the SRP of P50 for face shields, the total price should only be around P65.89 million,” dagdag pa ng minority leader.
Sinabi ni Drilon na lumutang ang lahat ng espekulasyon sa dagliang pagbibitiw nina Lao at Budget Secretary Wendel Avisado — “The public speculates, whether you like it or not, especially with the COA report and given the past incidence where the procurement service was exposed to have been accountable for the overpricing of the face masks and face shields,” pagtatapos ni Drilon. (May dagdag na ulat si ESTONG REYES)
175 