BATANGAS CITY – Bunsod ng pagkawala ng mga panloob ng kanyang asawa, binaril ng isang mister ang lalaking pinagbintangan niyang kumuha ng mga ito sa Brgy. Simlong sa lungsod na ito, noong Linggo ng gabi.
Batay sa report ng Batangas City Police, nakaupo sa vulcanizing shop ang biktimang si Jeric Furto nang dumating ang galit na galit na suspek na si Jefferson Adora.
Nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa matapos ibintang ng suspek sa biktima ang pagkawala ng nakasampay na mga panloob ng misis ni Adora.
Hanggang sa bumunot umano ng baril ang suspek at pinalo sa biktima bago ito ipinaputok.
Tinamaan sa paa ang biktima habang tumakas ang suspek makaraan ang pamamaril. (NILOU DEL CARMEN)
219
