NAPURNADANG NEGOSYO

MABUTI naman at ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatigil sa implementasyon ng child car seat at ang mandatory Motor Vehicle Inspection System (MVIS) na isinapribado ng Land Transportation Office (LTO).

Mantakin mo, P22 billion ang kikitain ng mga pinagpalang grupo o indibiduwal na binigyan ng accredidation ng LTO para sumuri sa mga sasakyan kung depektibo o hindi bago mairehistro.

Ang bilang ng mga rehistradong sasakyan sa Pilipinas ay umaabot sa mahigit 12,700,000 na kailangang dumaan sa pribadong Motor Vehicle Inspection Center (MVIC) bago mairehistro at magbabayad ng P1,800.

Lolobo pa ang kita na yan ng mga MVIC dahil kapag idineklara nilang depektibo ang sasakyan mo kahit hindi eh kailangang mong magbayad ng panibagong P900 kaya napakalaking pera sana ang kikitain nila.

Hindi ko alam kung may mga Congressmen ang pumasok din sa mga negosyong yan dahil may ilan sa kanila ang nagtatanggol sa mga MVIC. Hwag na natin silang pangalanan pero nakakaduda ang pagdedepensa nila.

Umaabot daw sa P20 million ang makinang ginagamit sa pag-iinspection sa mga sasakyan at kung isasama raw ang lupa at gusali, aabot daw sa P50 million hanggang P60 million ang kanilang puhunan.

Napakaliit na halaga ito kahit isama mo pa ang P100,000 na annual fees na babayaran nila sa LTO dahil bilyong bilyon naman ang kikitaan nila kada taon kapag natuloy ang negosyong ito. Mas matindi pa ang tubo sa lugaw, ika nga ng isang congressman.

Hindi tuloy maiwasang magtanong ang mga tao, may nagtatangkang magnegosyo kaya sa LTO o maging sa Department of Transportation (DOTr) bago sila mawala sa puwesto.

Hindi mo masisisi ang mga tao na magduda ng ganyan dahil imbes na pagaanin ng gobyerno ang buhay ng mga tao eh pinapahirapan pa nila. Bakit pa tayo nagkaroon ng gobyerno kung ang gagawin lang pala eh pahirapan ang mamamayan?

Kayang kaya ng LTO na magtayo ng MVIC. Meron na daw sila nito dahil pero pinabayaan kaya hindi na gumagana pero imbes na ayusin ay ibibigay nila ang trabahong ito sa pribadong sektor kahit hindi inuutos sa Republic Act (RA) 4136 o Land Transportation and Traffic Code.

Base sa mandato ng nasabing batas, tungkulin ng LTO na inspeksyusnin, iregistro ang mga sasakyan, mag-isyu ng drivers lisences at permit, ipatupad ang land transportation laws at traffic rules at adjucate ng traffic violation cases.

Walang sinasabi na i sapribado ang inspection sa mga sasakyan pero ginawa pa rin nila kaya hindi mo maiwasang magduda ang mga tao na baka may gustong kumita. Ang masama lang pinagkakakitaan ang mga tao na hirap na nga dahil sa dami ng bayarin.

Saka bakit hindi kaya ng gobyerno na magtayo ng MVIC? Kung P50 million hanggang P60 million lang ang kailangan sa bawat MVIC center, P22 billion din ang koleksyon nila sa road user’s tax at P8.2 billion lang ang kailangan para maitayo ang target nilang 138 MVIC.

Ipagpalagay natin na sa unang taon ng implemen tasyon ng government run MVIC ay ipabayad para mabawi ang puhunan, tatanggapin ng mga tao kesa habambuhay sila na magbabayad ng P1,800 o higit pa sa pribadong kumpanya na walang pakinabang ang publiko.

Kahit ano pang paliwanag ng LTO at DOTr para idepensa ang kanilang ginawang pagsasapribado sa kanilang tungkulin, walang tatanggap at ang iisipin ng mga tao ay may gustong kumita sa pinagpapawisan ng iba.

Kung hindi nyo kayang gawin ang trabaho nyo para pagsilbihan ang mamamayan, bakit pa kayo nandyan? Nasaan ang serbisyo publiko na sinasabi nyo eh ang ginagawa nyo eh pagpapahirap sa publiko?

147

Related posts

Leave a Comment