NARTATEZ PINAGTIBAY LABAN NG PNP KONTRA KATIWALIAN

MULING pinatunayan ng Philippine National Police (PNP) ang paninindigan nito para sa tapat, makatarungan, at marangal na paglilingkod sa bayan sa ilalim ng pamumuno ni Acting Chief PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr.

Sa High Command Conference na ginanap noong Nobyembre 12, 2025 sa Camp Crame, Quezon City kasama ang Integrity Commission Initiative (ICI) at iba pang pangunahing ahensya ng pamahalaan, binigyang-diin ni Chief Nartatez na ang serbisyo ng PNP ay hindi lamang nakatuon sa pagpapatupad ng batas kundi sa pagtataguyod din ng katotohanan at tiwala ng publiko.

“Bilang tagapangalaga ng batas at tagapagtanggol ng katotohanan, tungkulin ng PNP na tiyakin na ang bawat imbestigasyon ay isinasagawa nang may integridad at katarungan. Hindi kami magpapadala sa anumang impluwensya o kompromiso sapagkat bawat hakbang na aming ginagawa ay nakatuon sa katapatan, pananagutan, at paghahatid ng hustisya para sa sambayanang Pilipino,” pahayag ni Nartatez.

Dumalo rin sa pagpupulong sina DPWH Secretary Vince Dizon, AFP Chief of Staff GEN Romeo S. Brawner Jr., at mga kinatawan ng ICI na sina Commissioner Rogelio L. Singson, PGEN Rodolfo Azurin (Ret.), GEN Ariel Caculitan, Atty. Raymond R. Rojas, Atty. Rufino Mantos III, at Chairperson Justice Andres B. Reyes Jr. (Ret.).

Tinalakay sa pulong ang pinagsanib na hakbang ng iba’t ibang ahensya kabilang ang Office of the Ombudsman, DOJ, NBI, AFP, DPWH, at PNP upang labanan ang mga ghost projects sa mga imprastraktura ng bansa.

Sa ilalim ng malinaw na direktiba ni Chief Nartatez, idiniin niya ang papel ng PNP sa pagbibigay ng intelligence, forensic, at investigative support upang palakasin ang laban kontra korupsyon.

Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, magsasagawa ng deployment ng mga inspection team sa iba’t ibang rehiyon upang tiyakin ang pagiging lehitimo ng mga proyekto. Inihayag din niyang ilang kaso, kabilang ang mga non-bailable offense na kinasasangkutan ng mahigit 40 indibidwal, ay nakatakdang isumite sa Sandiganbayan.

Binigyang-diin naman ni PNP Spokesperson PBGEN Randulf T. Tuaño ang buong suporta ng organisasyon sa inisyatiba ng ICI at mga katuwang na ahensya.

“Lubos ang paninindigan ng Philippine National Police na palakasin ang mga investigative at intelligence efforts ng ICI at mga katuwang na ahensya. Ang ating mga pulis ay nagbibigay ng mahahalagang impormasyon at tumutulong sa pagbuo ng matitibay na kaso, upang matiyak na bawat lead ay masusuri at bawat iregularidad ay maaaksyunan,” ani Tuaño.

Para kay Chief Nartatez, ang integridad ay hindi lamang pananalita kundi isang pamantayan ng tunay na paglilingkod.

Ang kanyang pamumuno ay sumasalamin sa diwa ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas—isang serbisyong mabilis, tapat, at tunay na nararamdaman ng mamamayan.

43

Related posts

Leave a Comment