NASA KAMAY NGA BA NG MGA DAYUHAN ANG NAPAKAYAMANG MINAHAN NG PILIPINAS?

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

ILANG beses ko nang tinalakay ito, dear readers at uulitin ko — tayo, ang Pilipinas ay ikatlo sa buong mundo na may pinakamalaking deposito ng ginto; napakayaman natin sa tanso, nickel, chromite, marmol at iba pang mineral na makukuha sa ilalim ng lupa at katubigan.

At dati pa ay sinabi na rin ng inyong abang lingkod na ‘yung Malampaya na mina ng natural gas sa Palawan ay malapit nang maubos mula nang i-operate ito noong 2002 na sa report, mahigit $12 billion na ang kinita ng mga nakaraang gobyerno na kung nagamit nang husto at hindi naibulsa, hindi tayo magdaranas ng hirap kahit noong panahon ng mga nakaraang krisis.

Sa totoo lang, marami pang mineral at non-metallic minerals ang hindi pa namimina, na sa estima, kung mamimina, ito ay aabot sa mahigit na 2.4 hanggang 3 bilyong tonelada.

Kaya, maraming dayuhang kompanya ang gigil na gigil na makakuha ng mining contract sa atin, dahil paldo-paldong dolyar ang maiuuwi sa kanilang bansa sa makukuhang ginto, pilak, at iba pang mineral.

Marami tayong batas kontra illegal mining, pero nagpapatuloy ito, at paano at bakit nangyayari – alam na natin ang sagot: korupsyon.

***

Pangunahing trabaho at mandato ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay “conservation, management, development, and proper use of the country’s environment and natural resources.”

Bukod dito, tungkulin din ng DENR na gawin ang lahat upang maibalik, mapangalagaan at mapalitan – kung magagawa – ang mga nawala o nahukay na mina.

Trabaho naman ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) na pamahalaan, maglabas ng mga utos at regulasyon sa mandato ng DENR, at katuwang nito ang Department of Energy (DOE) na pangasiwaan, gumawa ng mga regulasyon, proyekto at iba pang aktibidad sa pagmimina ng langis, natural gas at iba pang mapagkukunan ng enerhiya, kasama ang responsibilidad sa pagpapalago, at distribusyon at conservation ng mga enerhiya.

Lahat ng tungkulin at pananagutang ito ng DENR at DOE ay nakatuon kung paano makikinabang, mapangangalagaan ang buhay at kabuhayan ng mamamayang Pilipino.

Nagagawa ba ng DENR at DOE ang mandato nila, tiyak ang sagot, “Hindi.”

***

Black sand. Lupa. Mga bato, marmol, kahoy, halaman. Wild floral and wild animals.

Ilegal na “minimina” ito na hindi napigil ng nakaraang administrasyon at kung ‘di kikilos ang gobyerno ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos, magpapatuloy ito, at maiiwan tayong nakanganga, pulubi at kaawa-awa.

Hindi lang isyu ng soberenya ang agawan sa teritoryo ng West Philippine Sea (o South China Sea): ito ay ang bilyon-bilyong cubic na bariles ng depositong langis, natural gas at iba pang mineral.

Opo, mga ginigiliw nating tagasubaybay, ang bilyon-bilyong cubic na bariles ng depositong langis, natural gas at iba pang mineral ang pangunahing dahilan kung bakit pinag-aagawan ang WPS o South China Sea.

Base sa datos o impormasyon na inilabas noon ng United States (US) Energy Information Administration (EIA), mahigit sa 100 bilyong cubic feet ng natural gas ang mamimina sa mga isla ng Spratlys.

Mga depositong mineral, langis at natural gas at iba pang mineral, dear readers, ang totoong dahilan ng agawan sa WPS, hindi lang ang ipinagsisigawang “sovereignty”at “exclusive economic zones.”

Hindi lang sa Spratlys mayaman sa mina: sa Sulu Sea, sa Cotabato, natuklasang may mina rito ng petrolyo na tinataya na may 203 milyong bariles ng katumbas na langis.

Natuklasan noon pa, may 29 bilyong cubic feet na natural gas sa Cotabato Basin, sa Sulu at iba pang lugar sa Mindanao, at may natuklasan ding mga deposito ng natural gas sa Visayas, Bicol at sa Northern Luzon.

***

Tungkol naman sa illegal mining ng black sand sa San Marcelino at Botolan, Zambales, anyare na, may kinasuhan ba ang DENR?

Ginagamit ang black sand sa pag-extract ng ginto, iba pang mineral, bukod sa ginagamit ito na sangkap sa paggawa ng steel, sabi sa pag-aaral.

Ang kumalat na balita, nagamit ang black sand at iba pang uri ng buhangin sa pagkatayo ng military at naval bases ng China sa Spratlys, at hindi na sekreto kung sino ang nagkamal ng milyong-milyong dolyar sa illegal mining na ito.

Hanggang ngayon ay tahimik na tahimik ang DENR at ang gobyerno sa panahong ilegal na minimina ang ating mineral sa dagat ng Zambales, ‘di po ba?

Hindi lang mayamang korales, isda ang ilegal na kinamkam ng Chinese militia, kundi maging ang ating black sand at wala ni isa tayong nabalitaang inusig, kinasuhan, naparusahan at naipakulong.

Kung ‘di pa alam ng gobyernong Marcos, isa sa ilegal na minimina ay ang ating buhanging hinahango sa mga ilog, dagat at mababatong lupa.

Ang Dubai, Saudi Arabia at iba pang bansa sa Middle East at ang China ang namimili ng mineral na ito.

Kaawa-awang Pilipinas!

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.

13

Related posts

Leave a Comment