TAX BREAK NA KAYA ANG MAGPAPALUBOG SA BANGKA NI JUNJUN?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

KUNG hindi iniinda ng kasalukuyang administrasyon ang kaliwa’t kanang rali ng taumbayan, ang tax break o sabay-sabay na hindi pagbabayad ng buwis ng mga Pilipino na kaya ang magpapalubog sa bangka ni Junjun Marcos?

Marami nang showbiz personalities ang dismayado sa isinasagawang imbestigasyon ng gobyerno at hanggang ngayon ay wala pa ring naparurusahan sa mga utak sa paglustay sa pera ng taumbayan. Paano kung sabayan pa ‘yan ng overseas Filipino workers (OFWs)?

Ngayon ay inip na inip na ang publiko, imbes na maging malinaw na kung sino ang mga sangkot at dapat masampahan na ng kaso ang mga kongresista na pinangalanan ni Curleen Discaya kamakailan sa isinagawang imbestigasyon ng Kamara at Senado, ay tila habang tumatagal ay lalong lumalabo na mapapanagot sila sa kanilang ginawang kasalanan.

Batay sa isiniwalat ni Curlee Discaya, nasa 10 hanggang 15 porsyento lang sa kabuuan ng budget ng kanilang mga proyekto ang napupunta sa kanila, 5 hanggang 6 porsyento sa DPWH engineers, samantala ang pinakamalaking 25 hanggang 30 porsyento ay napupunta sa mga kongresista.

Nabulgar ding may 67 cong-tractors o mga kongresistang na sila mismo ang kontraktor. Onli in da Pilipins! Sinindikato na nila ang pondo ng gobyerno, sila-sila na mismo ang nagmamaniobra kung paano nila itong kukurakutin.

Hindi pa nakuntento, ilan pa sa mga ito ay ghost project, wala talagang ginawang proyekto, pero nakukuha nila ang buong pondo na hindi man lang gumastos kahit ni isang sentimo. Ibang klase ang mga mambabatas natin. Walang kabusugan sa pera kaya tama lang na tawagin silang mga buwaya.

Ang actor na si Dennis Trillo ay nagbayad na ng kanyang buwis kamakailan at sinabing pwede nang nakawin uli ng mga magnanakaw na mga mambabatas ang kanyang ibinayad.

Hindi tinatablan ang mga buwaya sa mga ganyan, Dennis, dahil makakapal ang kanilang balat.

Kung walang magbabayad ng buwis ay wala silang nanakawin, kaya ang iba ay nag-iisip na hindi na muna sila magbabayad ng kanilang buwis.

Kapag nangyari ‘yan, hindi maaaring hindi indahin ni Junjun Marcos ‘yan, baka mapilitan na siyang bumitiw, kasi wala na siyang pagkukunan ng pondo.

Napakahirap sa isang lider na wala nang tiwala sa kanya ang mga tagasuporta niya, kasi hindi na siya susundin ng mga ito.

Kahit ano pa ang sabihin mo ay hindi ka na susundin kasi hindi nila nakikita ang pagiging mabuti mong pinuno, mas gugustuhin pa nila na bumitiw ka na lang, at magpapalit sila ng bagong lider para maibalik ang kanilang tiwala.

Ganyan ang sitwasyon ni Junjun Marcos, kasi magkakaiba ang kanyang sinasabi, hindi magkakatugma.

Tulad na lang halimbawa sa usapin ng 5,500 flood control projects na ipinagmalaki niya sa kanyang 2024 State of the Nation Address (SONA), kalaunan noong 2025 SONA ay sinabi niya naman na ‘MAHIYA NAMAN KAYO’ na pinalakpakan pa siya ng mga kongresistang kumuha ng pinakamalalaking kickbacks sa flood control projects anomalies.

Sabi pa ni dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson, hindi dapat ‘MAHIYA NAMAN KAYO, KUNDI MAHIYA NAMAN TAYO’ ang sinabi ni Marcos dahil kasama siya, walang pondo sa flood control projects kung hindi niya pinirmahan ang 2025 National Budget.

Ayon pa kay Singson, dapat unahing imbestigahan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang mga proyekto sa Ilocos Norte na probinsiya mismo ni Junjun Marcos, para maniwala sa kanya ang taumbayan na totoo ang kanyang laban sa korupsyon.

Inirekomenda rin ni Singson na maging ang Ilocos Sur na kanyang lalawigan ay imbestigahan din ng ICI dahil wala siyang itinatago.

Abangan na lang natin kung ano ang magiging kapalaran ni Junjun Marcos pagkatapos ng November 30 Bonifacio Day rally.

oOo

Para sa reklamo at suhestiyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

13

Related posts

Leave a Comment