NASAWI SA HABAGAT, BAGYO UMAKYAT SA APAT – NDRRMC

UMAKYAT na sa apat (4) ang kumpirmadong patay dahil sa hagupit ng habagat at ng magkakasunod na bagyong Mirasol at Nando, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Hindi pa kasama rito ang apat na mangingisdang nalunod sa kasagsagan ng bagyong Nando sa Hilagang Luzon, base sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG).

Sa tala ng NDRRMC, dalawa ang nasawi sa Central Luzon, isa sa Cagayan Valley, at isa sa Cordillera Administrative Region (CAR) — pero bineberipika pa ang mga detalye. Samantala, nasa 11 sugatan at isa ang nawawala.

Ayon kay Lt. JG Anabel Paet ng Coast Guard North Eastern Luzon, apat na bangkay ang kanilang na-recover nitong Martes. Galing ang ilan sa Casambalangan, Sta. Ana, Cagayan, habang tatlo ay mula sa Quezon Province at Camarines Norte.

May anim pang mangingisda ang nailigtas, pero apat pa ang nawawala matapos tumaob ang kanilang bangka dahil sa malalakas na alon habang pauwi sana sila para sumilong.

Sa datos ng Office of Civil Defense, apektado na ang 156,197 pamilya o 692,707 indibidwal sa 11 rehiyon, kabilang ang Ilocos, Cagayan Valley, CAR, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, BARMM, at Metro Manila.

Travel Ban

Kaugnay nito, naglabas ng travel advisory ang Land Transportation Office (LTO) na humihimok sa lahat ng motorista na iwasan muna ang non-essential travel patungong Bicol Region, Visayas, at Mindanao.

Ayon kay LTO Chief Asec. Vigor Mendoza II, ang kautusan ay tugon sa kahilingan ng NDRRMC at alinsunod sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na magkaroon ng “whole-of-government approach” sa panahon ng kalamidad.

Sabi ni Mendoza, nakabase ang advisory sa forecast ng PAGASA na nasa daanan ng bagyong “Opong” ang Bicol, partikular na ang Masbate at Catanduanes, kasama rin ang ilang bahagi ng Visayas at Mindanao.

Epektibo ang advisory simula 12:00 a.m. ng Setyembre 24, para maiwasan ang pagbara sa mga kalsada na mahalaga sa rescue at relief operations, at higit sa lahat, para matiyak ang kaligtasan ng mga motorista.

“This is also aimed at ensuring the safety of our kababayan. Mahirap na malagay pa sila sa alanganin,” diin ni Mendoza.

(JESSE RUIZ/PAOLO SANTOS)

94

Related posts

Leave a Comment